top of page

NBA: Wembanyama, sakalam sa Spurs vs. Phoenix Suns

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Nov 2, 2023
  • 2 min read

ni Anthony E. Servinio @Sports | November 2, 2023



ree

Unti-unting nasasanay si numero unong rookie Victor Wembanyama sa labanan sa NBA at ipinamalas niya ito sa 115-114 pagtakas ng kanyang San Antonio Spurs sa Phoenix Suns sa Footprint Center kahapon. Parang pelikulang horror sa gabi ng Halloween para sa Suns, humabol ang Spurs ng malaki para pumantay ang kartada sa 2-2.


Hawak ng Phoenix ang 76-56 bentahe sa third quarter pero hindi na natinag ang San Antonio at tinunaw nila ito. Hindi nila pinapuntos ang Suns sa huling minuto at ipinasok ang huling anim na puntos – dalawang shoot ni Wembanyama at inagawan ni Keldon Johnson si Kevin Durant para sa nagpapanalong buslo na may dalawang segundong nalalabi.


Nanguna si Johnson na may 27 habang tig-18 sina Wembanyama at Devin Vassell. Maghaharap muli ang dalawang panig sa Biyernes sa parehong palaruan.

Sa gitna ng takutan ng Halloween kung saan nagbalatkayo ang ilang manlalaro bago ang mga laro, ginulantang ang NBA sa paglipat ni dating MVP James Harden sa LA Clippers galing Philadelphia 76ers. Nakuha ng Clippers sina Harden, PJ Tucker at Filip Petrusev para kay Nicolas Batum, Marcus Morris, Robert Covington at KJ Martin.


May laro ang Clippers at hindi na pinabihis ang mga naging bahagi ng higanteng transaksyon subalit kahit kulang ay naipiga pa rin nila ang 118-102 panalo sa bisita Orlando Magic. Gumawa si Paul George ng 27 at Russell Westbrook ng 18 puntos upang umakyat sa 3-1.


Samantala, tinambakan ng bisita New York Knicks ang Cleveland Cavaliers, 109-91, sa likod nina Julius Randle na nag-ambag ng 19 puntos at 10 rebound at Jalen Brunson na may 19 din. Pumantay ang Knicks sa 2-2 habang itinulak sa ilalim ng Eastern Conference ang Cavs na 1-3.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page