NBA Suns owner, pinagmulta ng $10-M at suspendido pa
- BULGAR
- Sep 15, 2022
- 1 min read
ni MC - @Sports | September 15, 2022

Pinatawan ng isang taong suspensiyon at multang $10 milyon ng National Basketball Association (NBA) ang may-ari ng Phoenix Suns na si Robert Sarver dahil kasunod ng independiyenteng imbestigasyon sa mga paratang sa maling pag-uugali sa lugar ng trabaho.
Napag-alaman sa pagsisiyasat na si Sarver, na bumili ng Suns at Phoenix Mercury ng WNBA noong 2004 ay nagpakita ng hindi patas na pag-uugali sa mga babaeng empleyado, kabilang ang “mga komentong may kaugnayan sa sex” at hindi naaangkop na mga komento sa mga hitsura ng mga babaeng empleyado.
Si Sarver, na lubos na nakipagtulungan sa proseso ng pagsisiyasat, ay napag-alaman din na gumamit ng racial slur sa hindi bababa sa limang pagkakataon “kapag nagkukwento ng mga pahayag ng iba.”
“Ang mga pahayag at pag-uugali na inilarawan sa mga natuklasan ng independiyenteng pagsisiyasat ay nakababahala at nakakadismaya,” sabi ni NBA Commissioner Adam Silver sa isang pahayag. “Naniniwala kami na ang kinalabasan ay tama, isinasaalang-alang ang lahat ng mga katotohanan, pangyayari at konteksto na inilabas ng komprehensibong pagsisiyasat nitong 18-taong yugto at ang aming pangako sa pagtataguyod ng wastong mga pamantayan sa mga lugar ng trabaho sa NBA.”
Inatasan ng NBA ang pagsisiyasat nito kasunod ng isang artikulo noong Nobyembre 2021 na nagdetalye ng mga paratang ng rasismo at misogyny sa panahon ng panunungkulan ni Sarver.
Itinanggi ni Sarver ang mga paratang at sinabing malugod niyang tinatanggap ang imbestigasyon.
Hindi kaagad sumagot ang Suns nang hingin ang kanilang komento sa ipinataw na parusa.








Comments