NBA new rookies, sasabak din sa 2023 FIBA World Cup
ni Anthony E. Servinio @Sports | June 25, 2023

Hindi pa tumatapak sa court ay marami na ang humahanga kay San Antonio Spurs rookie Victor Wembanyama, ang numero unong napili sa 2023 NBA Draft noong Biyernes. Tiyak na aabangan siya at ang Pransiya sa 2023 FIBA World Cup ngayong Agosto.
Isa sa mga naakit ng 7’4” at 19-anyos na sentro ay ang alamat na si Ramon Fernandez, na nangako na papanoorin ang lahat ng kanyang laro hindi lang sa World Cup kundi pati rin sa bagong NBA sa Oktubre. Ayon sa 4-time PBA MVP at dating PSC Commissioner, ang mga ganyang manlalaro ay minsan lang dumarating sa bawat henerasyon.
Maliban kay Wembanyama, kumuha ang Spurs ng isa pang Pranses sa Round 2 na si gwardiya Sidy Cissoko. Nabunot ang Pransiya sa Grupo H kasama ang Canada, Latvia at Lebanon na gaganapin sa Jakarta, Indonesia. Tutuloy lang sila sa Pilipinas oras na makapasok sa knockout playoffs.
Ilan sa iba pang mga banyaga na napili noong Biyernes na may pagkakataon na maglaro sa World Cup ay sina O-Max Prosper (Dallas) at Leonard Miller (Minnesota) ng Canada, Jaime Jarquez (Miami) ng Mexico, Mojave King (LA Lakers) ng New Zealand, Julian Strawther (Denver) ng Puerto Rico at Tristan Vukcevic (Washington) ng Serbia. Sa kabuuan ay 14 sa 58 na natawag ay galing sa labas ng Estados Unidos.
Samantala, magdaraos ang Samahang Basketbol ng Pilipinas Invitational sa Hunyo 28 upang masukat ang kahandaan para sa World Cup simula 4 p.m. Sa MOA Arena ay maglalaro ang La Salle at Saint Benilde na susundan ng National kontra Mapua habang kasabay sa Araneta Coliseum ang mga laro sa pagitan ng Ateneo at Letran at UP laban sa San Beda.





Comments