NBA G-League, alanganin sa opening dahil salat sa sponsor
- BULGAR

- Dec 19, 2020
- 2 min read
ni Anthony E. Servinio - @Sports | December 19, 2020

Kung nanabik ang National Basketball Association (NBA) sa pagbubukas ng kanilang 2020-2021 season ngayong Disyembre 22, balot sa alanganin ang pagsisimula ng kanilang mga nakakabatang kapatid sa NBA G-League bunga ng pinagsamang suliranin sa pananalapi at kalusugan. Subalit determinado ang liga na matuloy kahit paikliin ang torneo mula Enero hanggang Marso ng 2021.
Karaniwan ay naglalaro ang mga koponan sa G-League ng tig-50 beses mula Nobyembre hanggang Marso. Pinatigil ang mga laro ng 2019-2020 season noong Marso 12 at hindi na ito itinuloy hanggang magpasya na ibasura na ang buong torneo at walang tatanghaling kampeon.
Malaki din ang nakasalalay sa pagbukas ng G-League upang hindi masira ang mga plano nito sa koponang Ignite na kinabibilangan ng mga Pinoy na sina Kai Sotto at Jalen Green. Itinatag ng liga ang Ignite upang bigyan ng pagkakataon ang mga mahuhusay na kabataan na maglaro at kumita imbes na magpatuloy sa pag-aaral sa kolehiyo.
Sa mga nakalipas na buwan ay mahirap hanapan ng kalaro ang Ignite. Nitong linggo lang nakapaglaro ang mga binata ng kanilang mga unang opisyal na limahan kung saan natalo sila ng dalawang beses sa tagpi-tagping koponan ng mga beterano ng G-League, 113-107 at 125-99.
Mahalaga na magtagumpay ang programa Ignite na ginagabayan ni Coach Brian Shaw upang tuloy-tuloy na makaakit ito ng mga pinakamahusay na manlalaro. Ito ang kanilang inaalay na alternatibo imbes na magsapalaran ang mga ito bilang import sa ibayong dagat sa murang edad bago pumasok sa taunang NBA Rookie Draft.
Bahagi ng plano ang maglaro sa isang bubble tulad ng ginawa ng NBA sa ESPN Wide World of Sports sa Orlando, Florida upang matapos ang kanilang 2020-2021 season kung saan nagwagi ang Los Angeles Lakers. Subalit mukhang hindi kakayaning isama ang lahat ng 29 koponan kaya nanawagan ang G-League at baka may mga koponan na boluntaryong hindi muna lalahok ngayong taon.
Tinitingnan kung mababawasan ang mga koponan sa 14 hanggang 20, kasama ang Ignite. Ilan sa mga unang nagpahayag ng balak na hindi maglaro ay ang South Bay Lakers at Maine Red Claws habang hinihintay ang opisyal na pahayag ng ibang koponan.





Comments