top of page
Search
  • BULGAR

NBA All-Star Game ngayon, ipusta n'yo na ang halaman!

ni Anthony E. Servinio - @Sports | March 8, 2021





Handa na ang lahat para sa 2021 NBA All-Star Game ngayong umaga mula sa State Farm Arena ng Atlanta, Georgia. Kahit simple at bubble ang laro bilang pag-iingat sa pandemya, asahan na magpapasikat ang mga bituin ng liga para sa mga tagahanga sa salpukan ng Team LeBron at Team Durant.


Si LeBron James ng defending champion Los Angeles Lakers ang kapitan ng Team LeBron at sasamahan sa First Five nina MVP Giannis Antetokounmpo ng Milwaukee Bucks, Stephen Curry ng Warriors, Luka Doncic ng Mavericks at Nikola Jokic ng Nuggets. Ang mga reserba ay sina Damian Lillard ng Trail Blazers, Ben Simmons ng 76ers, Chris Paul ng Suns, Paul George ng Clippers, Jaylen Brown ng Celtics, Domantas Sabonis ng Pacers at Rudy Gobert ng Jazz.


Hindi maglalaro si kapitan Kevin Durant ng Brooklyn Nets sa Team Durant subalit nagbuo siya ng First Five na sina Joel Embiid ng 76ers, Kawhi Leonard ng Clippers, Bradley Beal ng Wizards, Jayson Tatum ng Celtics at Kyrie Irving ng Nets. Ang mga reserba ay sina James Harden ng Nets, Zion Williamson ng Pelicans, Zach LaVine ng Bulls, Julius Randle ng Knicks, Nikola Vucevic ng Magic at Donovan Mitchell at Mike Conley ng Jazz na biglang pinalitan ang napilay na si Devin Booker ng Suns.


Pagkakasyahin ang lahat ng mga kaganapan sa isang araw at gaganapin ang Taco Bell Skills Challenge at MTN Dew Three-Point Contest bago magsimula ang laro. Sa halftime tatanghalin ang inaabangan na AT&T Slam Dunk.


Magtatagisan sa Skills sina Doncic, Paul, Randle, Sabonis, Vucevic at Robert Covington ng Blazers habang kasali sa Three Points sina Curry, Tatum, Brown, LaVine, Mitchell at Conley. Ang Slam Dunk ay sa pagitan nina Anfernee Simons ng Blazers at mga rookie na sina Obi Toppin ng Knicks at Cassius Stanley ng Pacers.


Nagbuo rin ang NBA ng Team USA at Team World para sa Rising Stars Challenge subalit hindi gaganapin ang mismong laban at ito ay magsisilbing karangalan na lamang. Ang Team USA ay sina Williamson, Anthony Edwards ng Timberwolves, James Wiseman ng Warriors, LaMelo Ball ng Hornets, Tyrese Haliburton ng Kings, Keldon Johnson ng Spurs, 2020 Rookie of the Year Ja Morant ng Grizzlies, Tyler Herro ng Heat, De’Andre Hunter ng Hawks at Michael Porter Jr. ng Nuggets habang ang Team World ay binubuo ng mga taga-Canada na sina RJ Barrett ng Knicks at iba pa.


Bilang bahagi ng pag-iingat na napagkasunduan ng NBA at unyon ng NBPA, lahat ng mga kalahok ay lalakbay ng pribado patungo ng Atlanta. Magkakaroon ng pagsusuri sa COVID-19 pagdating at kailangan mamalagi sa hotel habang walang laro.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page