top of page
TALKIES - “HINDI MASAMA NA BUMILI NG MAHAL KUNG AFFORD MO” - HEART_IG _iamhearte.jpeg

Natividad, bumida sa Generals kontra KBA Luid sa NBL Cup

Writer: BULGAR
BULGAR
Jul 16, 2023
2 min read

ni Anthony E. Servinio @Sports | July 16, 2023




Pumasok ang three-points ni Dan Anthony Natividad na may 12 segundong nalalabi sa overtime upang itulak ang host Taguig Generals sa 93-90 panalo kontra sa bisita KBA Luid Kapampangan sa tampok na laro ng 2023 National Basketball League (NBL-Pilipinas) President’s Cup sa punong Cong. Jun Duenas Gym sa Signal Village. Sa unang laro, bumawi ang DF Bulacan Stars at tinambakan ang Tatak GEL Binan, 95-74.


Si Natividad din ang nagtabla ng laro sa kanyang buslo na may 38 segundo sa orasan, 90-90. Sinundan ito ng mahigpit na depensa na nag-resulta sa jumpball na naging daan para sa nagpapanalong puntos.


Galing sa timeout, may pagkakataon pa ang KBA Luid subalit nagmintis ang tres ni Jerico Isidro. Napunta ang bola kay Edziel Galoy ng Generals sabay tunog ng huling busina.


Walang duda na si Natividad ang Best Player sa kanyang 25 puntos, ang pangalawang beses na nagawaran siya ngayong torneo. Nanatiling perpekto ang Taguig sa 3-0 at hawak ang solong liderato habang pumantay ang Kapampangan sa 2-2.


Ipinagpag ng Bulacan ang kanilang mabagal na simula at ibinuhos ang lakas sa second half at putulin ang kanilang tatlong magkasunod na talo at umakyat sa 2-3 panalo-talo.


Isa sa mga talong ito ay sa kamay ng Biñan, 100-104, sa overtime noong Hulyo 2.


Namuno si Best Player Joseph Celso sa kanyang 19 puntos at siyam na rebound. Halos isang buwan hindi nakatikim ng tagumpay ang Stars matapos magwagi sa Santa Rosa Lions sa unang araw ng liga, 99-86, noong Hunyo 16.


Magbabalik ang NBL-Pilipinas sa Camarines Sur sa susunod na Biyernes at Linggo, Hulyo 21 at 23. Sisikapin ng host CamSur Express na magpakitang-gilas sa harap ng kanilang mga kababayan at umangat sa kartadang 1-1.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page