top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

National Press Freedom Day

Writer: BULGAR
BULGAR
Feb 7, 2022
3 min read

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | February 07, 2022



Sa wakas ay aprubado na sa final reading ng Senado ang matagal na nating pinagsisikapang panukala hinggil sa National Press Freedom Day na buong puso nating ipinagpapasalamat sa liderato ng Senado at kapwa mga Senador dahil sa buung-buo nilang suporta.


Bilang principal author at sponsor ng Senate Bill No. 670, or An Act declaring August 30 of Every Year as National Press Freedom Day, isa ito sa napakaraming panukala na ating isinumite sa mga unang araw na muli tayong mahalal at mabalik sa Senado noong 2019.


Pinagtuunan natin ng pansin ang panukalang ito dahil matagal na itong pinupursige ng National Press Club at iba pang media organizations na lubhang malalapit sa atin.


Higit nating sinikap ang panukalang ito dahil hindi lamang marami tayong kaibigan sa hanay ng mga mamamahayag kung hindi dahil naniniwala talaga talaga sa layuning napapanahon na dapat magkaroon ng isang araw para gunitain ang kalayaan sa pamamahayag.


Sa mga walang kaugnayan sa pamamahayag, marahil ay nagtatanong kayo kung bakit sa dinami-rami ng araw ay Agosto 30 ang ating pinursige, dahil ang layunin ng ating panukala ay upang alalahanin at pahalagahan ang kaarawan ng ating bayaning si Marcelo H. Del Pilar na itinuturing na ‘Father of Philippine Journalism’.


Si Marcelo Hilarion del Pilar y Gatmaitan ay ipinanganak noong Agosto 30, 1850 sa Cupang, San Nicolas, Bulacan ng mag-asawang Don Julian del Pilar, isang gobernadorcillo at Dona Blasa Gatmaitan na kapwa nagmula sa mayamang angkan.


Si Del Pilar na bunso sa sampung magkakapatid ay unang nag-aral sa Colegio de San Jose at nagpatuloy sa University of Santo Tomas at noong1880 siya nagtapos sa kursong abogasya, bukod sa pagiging matalino ay tumutugtog din ito ng iba’t ibang instrumento at mahusay ding kumanta.


Hulyo 1, 1882, itinatag niya ang ‘Diariong Tagalog’ noong 1882, kung saan siya ay nakilala bilang si Plaridel na ginagamit niya sa kanyang mga panulat at dito niya binabatikos ang walang habas na pang-aabuso ng mga prayle at kalupitan ng pamahalaan.


Ibinulgar ni del Pilar ang kalupitang dinaranas ng marami nating kababayan at hindi siya nagsawa sa pagsusulat dahil sa pag-asang isang araw ay makakamit natin ang ating kalayaan sa kuko ng mga mapang-aping naghaharing-uri ng mga panahong iyon.


Noong 1888 ay naobligang tumakas si Del Pilar patungo sa Espanya dahil hindi na siya tinantanan ng mga Kastila na patuloy siyang inuusig dahil sa walang takot niyang pagbubunyag sa hindi nila makataong gawain at sa Espanya ay ipinagpatuloy pa rin niya ang pagsusulat.


Sa Espanya ay pinanguluhan niya ang samahang pampulitika na La Asociacion Hispano-Filipino (Ang Samahang Kastila-Pilipino) noong Enero 12, 1889, isang samahang pambayan na binubuo ng mga Pilipinong propagandista at kakamping Kastila sa Madrid upang manawagan ng pagbabago sa Pilipinas.


Disyembre 15, 1889 ay binili ni Del Pilar kay Lopez Jeana ang ‘La Solidaridad’ at siya ang naging patnugot at humaliling editor mula 1889 hanggang 1895 — pampulitikang pahayagan na inilalathala minsan tuwing ikalawang linggo na siyang nagsilbing tinig ng kilos propaganda na nagbunyag sa kalagayan ng bansa.


Dahil sa paglalathala ng La Solidaridad ay unti-unting naubos ang kabuhayan ni Del Pilar at umabot siya sa puntong hindi na siya nakakakain ng sapat na maging ang kanyang pagtulog ay hindi na niya magawa dahil sa labis na pagpupursigeng mailathala ang mga katiwalian sa bansa.


Umabot si Del Pilar sa puntong para makaiwas sa nararamdamang gutom ay namumulot na lamang ito ng nahithit ng sigarilyo sa daan at ang pondo para sa paglilimbag ng pahayagan ay tuluyan nang naubos at wala na ring tulong-pinansiyal na dumarating mula sa Pilipinas.


Ito ang naging dahilan kaya tuluyan nang nahinto ang paglilimbag ng naturang pahayagan noong Nobyembre 15, 1895, ngunit hindi ito naging balakid para tuluyan nang tumigil sa pagsusulat si Del Pilar dahil humanap pa rin ito ng paraan para sa hangad niyang kalayaan ng inang bayan.


Sa ganitong kalagayan siya binawian ng buhay dahil sa sakit na tuberculosis sa maliit na pagamutan sa Barcelona, Espanya noong Hulyo 4, 1896 sa edad na 46 lamang at sadyang tinalikuran nito ang dapat marangya niyang pamumuhay para sa bayang sinilangan.


Malaki rin ang naging papel ni Del Pilar para ipagtanggol ang mga panulat ni Dr. Jose Rizal, tulad ng Noli Me Tangere na isa rin sa mga rason kaya nag-init ng husto ang mga Kastila at naging dahilan para tugisin siya ng mga ito kaya siya napadpad sa Espanya.


Ngayon, marahil ay maliwanag na sa inyo, lalo na sa kabataan kung bakit nararapat lang na gunitain natin ang National Press Freedom Day sa araw ng kanyang kaarawan upang maalala natin si Plaridel ang ‘Dakilang Propagandista’ na ginugol ang halos buong buhay niya sa pagsusulat lamang.


Anak Ng Teteng!


May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page