top of page
TALKIES - “HINDI MASAMA NA BUMILI NG MAHAL KUNG AFFORD MO” - HEART_IG _iamhearte.jpeg

Nat'l Women's Football, wagi vs. Malaysia sa SEAG

Writer: BULGAR
BULGAR
May 8, 2023
1 min read

ni Anthony E. Servinio @Sports | May 8, 2023



Mga laro ngayong Martes:


5:00 p.m. Vietnam vs. Pilipinas (RSN Stadium)

5:00 p.m. Malaysia vs. Myanmar (Army Stadium)


Hinintay talaga ang huling segundo bago lumikha ng himala si Sarina Bolden at itulak ang Philippine Women’s Football National Team sa makapigil-hiningang 1-0 panalo sa Malaysia at manatiling buhay sa 32nd Southeast Asian Games Sabado ng gabi sa Army Stadium. Pansamantalang umakyat sa pangalawa ang Filipinas sa Grupo A subalit hindi nila hawak ang buong kapalaran upang makapasok sa semifinals.


Kahit kontrolado ng mga Pinay ang bola ng mahigit 70 porsiyento ng laro, hindi nila ito maipasok sa gitna ng matinding depensa ng Malaysia. Nanatiling matatag ang kanilang goalkeeper Nur Ezza Abdul Razak at isa-isa niyang napigil ang mga sipa subalit lahat ay may hangganan.


Pagsapit ng ika-97 minuto ay ginawaran ng free kick si Sara Eggesvik malapit sa goal at pinalipad niya ang bola patungo sa tumalon na si Bolden na inulo ito papasok. Tabla na ang Pilipinas at Myanmar na parehong may tatlong puntos subalit mas malaki ang kabuuang nilamang ng mga Pinay sa mga nakalaro.


Sa unang laro ay tumikim ang Myanmar ng 1-3 talo sa defending champion Vietnam. Matatandaan na binigo ng Myanmar ang Filipinas noong Miyerkules, 1-0, sa likod ng isang penalty kick sa ika-89 minuto ni Win Theingi Tun.


Ang Vietnam ang nalalabing kalaro ng Pilipinas sa Martes at kahit manaig ang mga Pinay ay hindi pa ito kasiguraduhan sa semis. Maaaring magkaroon ng tabla ang dalawa kasama ang Myanmar kung mananalo ang Burmese sa kulelat na Malaysia.


Samantala sa Men’s Football, sumadsad ang Under-22 Azkals laban sa Timor Leste, 0-3, noong Huwebes ng gabi.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page