top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Nat'l Duathlon sa New Clark, Qualifier sa 32nd Sea Games

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Dec 3, 2022
  • 2 min read

ni Anthony E. Servinio - @Sports | December 3, 2022



Handa na ang lahat para sa 2022 National Duathlon Championships ngayong Linggo simula 4 a.m. sa New Clark City sa Capas, Tarlac. Ang karera ay hatid ng Triathlon Association of the Philippines (TRAP) at magsisilbing qualifier para sa pambansang koponan sa 32nd Southeast Asian Games sa Cambodia.


Tiyak na mag-uunahan ang mga halimaw na Pinoy para sa inaasam na tiket sa Standard Distance na pinagsamang 10 km takbo, 40 km bisikleta at wawakasan ng 5 km takbo.


Bilang karagdagang hamon, nakaakit ang karera ng mga atleta mula Singapore at Malaysia na maaaring maglalaro rin sa Cambodia.


Maliban sa Standard ay magkakaroon ng mas maigsing karera na Sprint (5-20-2.5) at Super Sprint (2.5-10-2.5). Mayroon din mga Relay at Para-Duathlon at lahat ng mga karera ay magsisimula at magtatapos sa labas ng New Clark Athletics Stadium.


May pagkakataon din ang age group na sabayan ang mga pambansang atleta. Inaasahan na magiging kasing tindi ang bakbakan lalo na sa mga kategorya para sa mga edad 40 pataas.


Isang buwan bago ang karera ay nagsara na ang pagpapalista bunga ng kasabikan ng marami na makapaglaro muli matapos ang mahigit dalawang taon dulot ng pandemya.


Bilang pag-iingat ay magpapatupad pa rin ng mahigpit na health at safety protocol.


Tanging road bike lang na naaayon sa mga patakaran ng World Triathlon ang maaaring gamitin sa Elite. Papayagan ang mga age group na gumamit ng kahit anong uri ng bisikleta pati Mountain Bike ngunit bawal ang disc wheel.


Noong 31st SEA Games sa Vietnam, nagwagi ng ginto si Kim Mangrobang sa Women’s subalit hindi pinalad ang mga kalalakihan. Unang inilaro ang Duathlon sa 30th SEA Games sa Subic Bay kung saan ginto si Monica Torres sa Women’s, pilak si Joey delos Reyes sa Men’s at tanso ang Mixed Relay na sina Torres, Efraim Inigo, Mary Pauline Fornea at Emmanuel Commendador.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page