Nat'l Booters na pa-SEAG, susubukan ang tikas sa PFL
ni Anthony E. Servinio @Sports | February 25, 2023

Laro ngayong Sabado – Rizal Memorial Stadium
4 p.m. Azkals Development Team vs. Maharlika Manila FC
Patuloy ang 2023 Philippines Football League (PFL) hatid ng Qatar Airways ngayong Sabado sa pagsabak ng Azkals Development Team sa Maharlika Manila FC sa Rizal Memorial Stadium simula 4 p.m. Susundan ito ng dalawang laro sa Linggo sa umiinit na karera para sa kampeonato ng pambansang liga.
Tampok sa ADT ang mga kandidato na ipadadala sa 32nd Southeast Asian Games Cambodia na bukas sa mga edad 22 taon pababa. Nagsumite ang koponan ng 34 na pangalan kabilang ang ilan na kasalukuyang naglalaro sa ibayong dagat.
Malaking hamon ang hinaharap ng Maharlika na may isang puntos lang mula sa isang tabla at 11 talo at malugmok sa pinakailalim ng PFL. Nagkataon na ang nag-iisang puntos na ito ay buhat sa 1-1 tabla nila sa ADT noong Oktubre 15 na ibang-iba sa una nila tapatan noong Agosto 20 na nagtapos sa 4-0 tagumpay para sa ADT.
Lilipat ang mga laro sa Linggo sa Binan Football Stadium sa pagdalaw ng Dynamic Herb Cebu FC sa Stallion Laguna FC sa 4 p.m. Kasabay nito sa parehong oras ay ang labanan ng numero unong Kaya FC Iloilo at Mendiola FC 1991 sa Imus Grandstand.
Samantala, magkakaroon ng pagkakataon ang mga Filipino na makita ng malapitan ang tropeo ng 2023 FIFA Women’s World Cup sa pagdating nito sa bansa sa Marso 1 sa Glorietta Activity Center sa Makati City ng 3 p.m. hanggang 6 ng gabi. Ito din ay gagamiting paraan upang lalong umani ng suporta para sa makaysayang unang kampanya ng Filipinas sa prestihiyosong torneo na gaganapin sa New Zealand at Australia.





Comments