Nasampulan na, Julia… IVANA, KUMANTANG MASARAP MAG-ALAGA SI GERALD
ni Reggee Bonoan - @Sheet Matters! | June 2, 2022

Umoo pala kaagad si Gerald Anderson nang ialok sa kanya ang teleseryeng A Family Affair dahil nagsabi siya dati na sana, ang next project niya sa ABS-CBN ay family drama series at sumakto na ang karakter niya bilang si Paco ay halos kapareho niya sa totoong buhay.
“'Yung pagmamahal ni Paco sa pamilya niya, pagiging competitive, gusto niyang maging successful lahat ng ginagawa niya, tapos binigyan ako ng tatlong brothers na mayroon kaming kani-kanyang conflict,” bungad na kuwento ni Gerald sa solo virtual mediacon niya nitong Martes nang gabi.
Sa apat na lalaking magkakapatid ay ikalawa si Gerald, panganay nila si Sam Milby, ikatlo si Jake Ejercito at bunso si Jameson Blake at pare-pareho silang may crush kay Ivana Alawi.
Inilarawan ng aktor na off-camera ay para talaga silang magkakapatid nina Sam, Jake at Jameson, kung paano sila mag-usap-usap, magkulitan at nadadala nila 'yun kapag gigiling na ang kamera nina Direk Jerome Pobocan at Raymund Miranda mula sa Star Creatives produced ng ABS-CBN Entertainment.
“Sana, makita ‘yun (samahan) sa TV,” sambit ni Gerald.
Sa paglalarawan ni Direk Jerome ay kay Ivana siya sobrang na-challenge dahil hindi lang ito aktres kundi social media personality at first time niyang maka-work. Masaya siya dahil unti-unting nagawa na mapanood siyang umaarte at bumagay ang role niya bilang lead-protagonist.
Natuwa rin si Direk Jerome dahil suportado ng apat na aktor si Ivana, lalo na si Gerald, na ikatlong beses na niyang naka-work dito sa A Family Affair, nauna na ang Sana Maulit Muli (2007) at Bukas Na Lang Kita Mamahalin (2013). Ikalawa naman niya kina Sam sa Impostor (2010) at Jameson at unang beses naman kay Jake.
Sina Jake, Jameson at Ivana ang challenge para kay Direk Raymund kasi nga unang beses niyang makatrabaho kumpara kay Gerald na naka-work na niya sa Init sa Magdamag (2021).
Nabanggit pa ni Direk Jerome, “'Yung love scenes nina Gerald at Ivana rito, I can say na steamy, puwedeng pang-Netflix version ito. 'Pag sa free TV kasi, may limitations, eh.”
Matagal na si Gerald sa showbiz, mga 16 years, kaya natanong kung sino sa showbiz industry ang maituturing niyang pamilya na kahit hindi blood-related.
Mabilis na sagot ng aktor, “Si Sam! Matagal kong kilala na nagkatrabaho kami sa Dyesebel (2014). Hindi nga kami masyadong nagkaeksena nu'n kasi merman siya, so sa dagat siya, ako sa lupa. Kaya bago kami mag-take, sabi namin na 'Bro, gandahan natin ‘to.’
"Si Rayver (Cruz) na nasa kabila ngayon, but isa siya sa mga naging close ko rin.”
Oo nga, tanda namin na kapag may mga out of the country shows pa ang ABS-CBN for TFC ay laging magkakasama ang tatlo.
At dahil A Family Affair ang titulo ng TV series ay natanong si Gerald kung dapat bang kasundo ng girlfriend niya ang miyembro ng pamilya?
“Sana, sana magkasundo, kasi parehas mo silang mahal. Mahirap ‘yung kapag hindi sila magkasundo dahil mahal mo ang pamilya mo, pero mahal mo rin ang girlfriend mo o partner.
“I think trabaho mo rin kung paano sila magkasundo. Dapat masaya lahat, wala kang iiwasan kasi itong partner mo ay partner mo habambuhay,” pahayag ng aktor.
Kinlaro rin ni Ge na hindi sikreto ang pag-aalaga niya ng mga naging leading lady dahil nabanggit ni Ivana na maalaga ang aktor sa kanya.
“I think responsibility bilang isang leading man, kasi we worked in a very high pressure, laging nagmamadali. 'Ito, lipat-lipat doon, ito, gagawin natin ‘to, bihis ka na.'
“Feeling ko, responsibilidad ko na gawing mas mapadali ang trabaho para mas maging komportable. Actually, hindi lang sa leading lady, ginagawa ko naman ‘yun in general kasi it makes me comfortable also like kausapin mo ‘yung audio man, cameraman, pa-pizza ka para sa lahat.
“Hindi lang para sa kanila kundi para sa akin din ‘yun para mas at ease rin ako na dapat, pantay-pantay ang lahat ng tao (sa set) para maging maayos at matapos nang maganda ito (series). Si Sam, galante ‘yan, sobra,” kuwento ng aktor.
Abangan ang A Family Affair sa Kapamilya Network ngayong ikatlong linggo ng Hunyo.





Comments