top of page
Bea Alonzo - IG.jpg

Nasalanta ni “Ulysses”, saklolohan

Writer: BULGAR
BULGAR
Nov 13, 2020
2 min read

ni Ryan Sison - @Boses | November 13, 2020


Na-trap sa bubong, lagpas-taong baha at kabi-kabilang residenteng sumisigaw ng tulong.


Ganito ang eksena kahapon matapos ang magdamag na pananalasa ng matinding ulan at hangin na dala ng bagyong Ulysses sa Metro Manila at ilang bahagi ng Luzon.


Gayunman, iginiit ng mga awtoridad na hindi sila nagulat sa hagupit ng bagyo sa gitna ng mga panawagang saklolo ng ilang taga-Metro Manila na lubog sa baha.


Ayon kay Office of Civil Defense (OCD) deputy director for operations Assistant Secretary Casiano Monilla, patuloy ang paglilikas mula Miyerkules, lalo na sa mga lugar na madalas naaapektuhan ng bagyo. Gayundin, posible umanong hindi nasunod ng ilang Pinoy ang panawagan ng mga lokal na pamahalaan.


Samantala, nagpakalat na umano ng disaster response units ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa mga lugar na hinagupit ni Ulysses.


Naunang sinabi ng weather bureau PAGASA na mas maraming ulan ang ibinagsak ni “Ulysses” kumpara kay tropical storm “Ondoy” noong 2009.


Sa kalagitnaan ng kalamidad, hindi pa rin talaga maiwasan ang turuan kung sino ang dapat sisihin ‘pag may pagkakamali o pagkukulang.


Plis lang, ‘wag na tayong magturuan kung sino ang may kasalanan dahil wala namang may gusto ng nangyayari sa bansa.


Pakiusap lang sa mga lokal na pamahalaan, ipagpatuloy ang pag-rescue at pag-alalay sa mga labis na nasalanta ng bagyo. ‘Wag sana tayong mapagod tumugon at sumaklolo sa taumbayan, lalo na sa mga lugar na halos hindi na maabot.


Tayo namang publiko, sumunod agad sa mga payo at paalala dahil wala tayong panahon para magpasaway at mandedma sa mga babala.


‘Ika nga, hindi ito ang panahon para magkani-kanya. Magtulungan tayo para sama-samang makabangon at manalig na walang maiiwanan sa laban na ito.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page