Nasa paligid pa rin ang mga sakit, ingat!
- BULGAR
- Aug 6, 2022
- 4 min read
ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | August 6, 2022
Bilang Chair ng Senate Committee on Health ay matagal na tayong nananawagan sa ating pamahalaan at sa bawat Pilipino na mas palakasin at palawakin pa ang ating isinasagawang pagbabakuna laban sa COVID-19. Sabi nga natin noon, dapat maging creative maging ang mga LGUs at pribadong sektor para sila na mismo ang magdala ng bakuna sa kanilang mga nasasakupan, lalo na ang nasa malalayong komunidad. Magbahay-bahay dahil bukod sa mga senior citizen na nahihirapan nang lumabas, ang iba naman ay walang pamasahe papunta sa mga vaccination sites.
Kaya masaya tayo na inilunsad ng ating pamahalaan sa pangunguna ng DOH ang PinasLakas campaign na target makapagbakuna ng hanggang 23 milyong Pilipino sa unang 100-araw ng Administrasyong Marcos.
Nauna rito ay pinayagan na ring makatanggap ng second booster ang mga edad 50 pataas at maging ang mga 18-anyos hanggang 49-anyos na may comorbidities. Ang mga trabahador naman ay inaaasahang maaari nang makatanggap ng kanilang booster shot sa kanilang mga kumpanya dahil magkakaroon ng vaccination sites sa kanilang mga lugar ng paggawa.
Magandang hakbang ito ng ating pamahalaan dahil hindi talaga tayo dapat magkumpiyansa. Nitong Agosto 2 lang ay iniulat ng DOH na may na-detect na dalawang kaso ng Omicron subvariant BA 2.75 o “Centaurus” na mas mabilis makahawa kumpara sa iba pang sub variants. Bukod dito, nakapagtatala pa rin ng mahigit 2,000 hanggang mahigit 3,000 kaso kada araw ngayong linggo. Iniulat din na tumataas ang health care utilization rate (HCUR) sa NCR at ang intensive care unit (ICU) utilization sa Capiz dahil sa COVID-19.
Kaya bukod sa ating national government, muli tayong nananawagan sa mga LGUs, community leaders at sa pribadong sektor na mas palakasin pa ang ating pinagsama-samang pagsisikap sa paghikayat sa ating mga kababayan na agad nang magpabakuna para maging ligtas ang ating mga komunidad. Hanggang nand'yan pa ang COVID-19, huwag tayong magkumpiyansa dahil delikado pa. Ang bakuna ang susi para makabalik na tayo sa normal na pamumuhay. Samantalahin ang isinasagawang vaccine rollout at patuloy na sumunod sa ipinatutupad na health protocols. Alalahanin natin, may banta rin ngayon ng monkeypox at may naitala ng kaso sa ating bansa kaya mas higit tayong dapat mag-ingat at huwag hayaang bumagsak ang ating healthcare system.
Sa harap ng maraming pagsubok at banta sa ating kalusugan, magkakaroon ng hearing ang Senate Committee on Health na ating pinamumunuan sa susunod na mga linggo upang talakayin ang mga hakbang na dapat gawin at ipaalam sa taumbayan kung paano sila makakatulong sa ating iisang hangarin na proteksyunan ang buhay ng bawat Pilipino.
Samantala, kaisa tayo ng buong Senado sa paghahatid ng pakikiramay sa pamilya ni dating pangulong Fidel V. Ramos na pumanaw na noong Hulyo 31 dahil sa mga komplikasyon dulot ng COVID-19. Si FVR ay isang tunay na statesman at naging instrumento para sa global competitiveness ng ating bansa sa ilalim ng kanyang Philippines 2000 platform.
Noong Agosto 1 ay naging co-author tayo ng Senate Resolution na ipinasa bilang ating pasasalamat kay FVR at pagbibigay-pugay sa kanyang mga nagawa at naging kontribusyon sa pag-unlad ng ating bansa.
Tulad ng dati, tuluy-tuloy ang pagseserbisyo ng inyong Kuya Bong Go sa mga komunidad na apektado ng pandemya at iba pang krisis. Sumaklolo tayo sa mga kababayan nating nilindol at personal nating pinuntahan sa Abra at pinagkalooban ng tulong ang 1,592 pamilya sa Lagangilang at 100 pa sa Bangued. Pagkatapos ay dumiretso tayo sa Vigan City, Ilocos Sur kung saan nag-abot din tayo ng tulong sa 335 na residente.
Sinaklolohan din natin ang mga pamilyang nabiktima ng sunog, tulad ng 31 pamilya sa Barangay Subangdaku, Mandaue City; walo sa Compostela, Cebu; tatlo sa Barangay Gilutongan, Cordova, Cebu; 12 residente ng Brgy. Calamba, Cebu City; at 27 pamilya sa Tayuman, Maynila.
Naghatid tayo ng ayuda at pinagaan ang dalahin ng mahihirap nating kababayan kabilang ang 2,500 benepisaryo sa San Fernando City, Pampanga; 1,000 sa San Manuel at 1,000 rin sa Pura, Tarlac; 1,000 sa Maragondon, Cavite; at 306 pa sa Lupao, Nueva Ecija. Ang 1,500 kababayan natin mula sa iba’t ibang barangay sa Davao City ay nakatanggap din ng tulong mula sa ating opisina.
Samantala, ipinaalala natin sa ating mga kababayan na ngayong Agosto ay ipinagdiriwang natin ang Buwan ng Wikang Pambansa. Sama-sama at patuloy nating mahalin, ipagmalaki, tangkilikin at pagyamanin pa ang wikang Filipino at iba pang katutubong wika sa Pilipinas, at maipamana ito sa susunod pang henerasyon.
Hindi tayo nawawalan ng mga pagsubok na kinahaharap, pero asahan ninyo na palaging ang inyong kapakanan at kaligtasan ang prayoridad at pinakamahalaga para sa atin. Iisa lang ang ating hinihinging kapalit sa pagseserbisyo sa inyo — ang magkaisa tayo, magtulungan, magbayanihan at sumunod sa mga patakaran ng pamahalaan para sama-sama at sabay-sabay nating makakamit ang mas komportableng buhay para sa lahat.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.








Comments