top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Napilitan pumirma sa kontrata ng pagbili ng baril dahil sa pananakot ng kapitbahay

BULGAR
Jul 16, 2022
2 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | July 16, 2022


Dear Chief Acosta,


Pinilit ako ng aking kaibigan na lumagda sa kontrata tungkol sa binili niyang baril para maging kahati niya ako sa babayaran. Sa takot kong sa akin niya unang gamitin ang nasabing baril, tulad ng kanyang pagbabanta, lumagda agad ako rito. Makikita naman iyon sa CCTV sa gun shop, kung saan ko siya sinamahan noong araw na iyon. Ngayong ako ay umalis ng Maynila, naibsan na ang aking takot na dulot ng aking kaibigan. Maaari ko bang maipawalang-bisa ang aking paglagda sa nabanggit na kontrata at pag-ako bilang isa sa mga magbabayad ng biniling baril? - Xenon


Dear Xenon,


Para sa iyong kaalaman, nakasaad sa Artikulo 1390 ng New Civil Code of the Philippines na:


“Article 1390. The following contracts are voidable or annullable, even though there may have been no damage to the contracting parties:


(1) Those where one of the parties is incapable of giving consent to a contract;


(2) Those were the consent is vitiated by mistake, violence, intimidation, undue influence or fraud


These contracts are binding, unless they are annulled by a proper action in court. They are susceptible to ratification.”


Ayon sa nabanggit na batas, maaaring ipawalang bisa ang kontrata kung ang isa sa mga partido ay walang legal na kapasidad para pumasok sa kontrata o kung ang pagsang-ayon sa kasunduan ay nakuha dahil sa pagkakamali, dahas, pananakot, hindi tamang paggamit ng impluwensiya o panloloko. Ang ganitong uri ng kontrata ay tinatawag na voidable contract. May bisa ito habang hindi pa napapawalang-bisa ng hukuman. Ito ang ibig sabihin ng katagang “valid until annulled.”


Sa iyong sitwasyon, maaaring sabihin na napilitan ka lamang pumirma sa kontrata ng pagbili ng baril dahil sa pananakot ng iyong kapitbahay. Partikular dito ang kanyang pagbabanta na gamitin sa iyo ang biniling baril na nakuhanan pa ng CCTV ng gun shop. Kung gayon, ang kontratang iyong pinirmahan ay maituturing na voidable.


Dahil hindi pa napapawalang-bisa ang iyong kontrata ng hukuman, ito ay maituturing na may bisa pa rin. Sa pagkakataong ito, dapat mong mabatid, na may takdang panahon lamang upang maipawalang-bisa ang nasabing kontrata. Nakasaad sa Artikulo 1391 ng parehas na batas:


“Article 1391. The action for annulment shall be brought within four years.


This period shall begin:


In cases of intimidation, violence or undue influence, from the time the defect of the consent ceases.


In case of mistake or fraud, from the time of the discovery of the same.


And when the action refers to contracts entered into by minors or other incapacitated persons, from the time the guardianship ceases.” [Biningyang-diin.]


Samakatuwid, mayroon ka lamang apat na taon magmula nang matapos ang pagbabanta sa iyo para maisampa sa kaukulang hukuman ang pagpapawalang-bisa ng nasabing kontrata.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang inyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa impormasyon na inyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng inyong salaysay.


Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page