Nang mawala sa ABS-CBN… TONI, UMAMING INALOK NG 2 TV NETWORKS, AMBS ANG PINILI
ni Janiz Navida @Showbiz Special | October 23, 2022

Tuwang-tuwa si Toni Gonzaga nang maka-face-to-face kahapon ang mga entertainment press na na-miss daw niya dahil matagal na 'di nakasalamuha mula nang mag-start ang pandemic.
Kaya naman, game na game rin si Toni sa lahat ng mga questions ng mga reporters, intriguing man o hindi.
Ang galing-galing na ring sumagot ni Toni sa mga tanong at umiwas (with respect in fairness) kapag feeling niya ay pagmumulan ng intriga ang kanyang isasagot.
Pero tulad ng dati, napakatotoo pa rin namang sumagot ni Toni sa mga tanong, tulad nga nang uriratin namin kung nagkaroon din ba ng offers sa kanya ang iba pang networks bukod sa AMBS o AllTV kung saan siya nakakontrata ngayon.
Pag-amin ni Toni, nang mawala ang prangkisa ng ABS-CBN at matapos na nga ang kanyang kontrata sa Kapamilya Network, may mga dumating na offers mula sa dalawang kalabang networks ng ABS-CBN at mukhang teleserye ang offer sa kanya.
Kaya lang that time raw ay hindi pa siya handang tumanggap ng offer kaya pinag-isipan niya munang mabuti, hanggang sa dumating ang offer ng AMBS at na-feel niya ngang 'yun na ang hinihintay niyang pagkakataon kaya nag-go na siya.
Of course, with her hubby Direk Paul Soriano's support na rin na siya palang producer ng kanyang Toni show sa AllTV.
Yes, producer ng blocktimer show na Toni si Direk Paul at hindi direktor ng show ng kanyang misis, kaya pala may time pa ito para tanggapin ang posisyong ibinigay ni President Bongbong Marcos bilang Presidential Adviser on Creative Communications.
Gusto sana ng press people na marinig ang reaksiyon ni Toni sa bagong posisyon ni Direk Paul sa P-BBM administration pero tumanggi na itong mag-comment at hintayin na lang daw na ang mister naman niya ang magpa-presscon para sa sarili nito dahil hindi naman siya spokesperson ni Direk Paul.
Anyway, sa ngayon, bukod kay Willie Revillame ay si Toni Gonzaga ang itinuturing na 'reyna' ng AllTV with her Toni talk show nga na umeere araw-araw tuwing 5 PM.
Abangan daw natin ang iba pang shows na naka-line-up sa AllTV na sa ngayon ay inaayos pa.





Comments