top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Nang mag-hotel sila ni Ana… KIT, LASING NA, MAY DALA PANG MARIJUANA

Writer: BULGAR
BULGAR
Mar 29, 2022
3 min read

ni Janiz Navida @Showbiz Special | March 29, 2022




Selos sa ex-husband ang inamin ng sexy actress na bida sa Manipula movie na si Ana Jalandoni na dahilan kaya siya nasaktan nang pisikal ng 4-month boyfriend na si Kit Thompson.


For the first time pagkatapos ng iskandalong pambubugbog sa kanya ni Kit nu'ng March 17, humarap na sa entertainment media si Ana Jalandoni kasama ang apat niyang abogado at ang kanyang ama at elder sister.


Emosyonal si Ana at halos hindi makapagsalita nu'ng umpisa habang ikinukuwento ang insidenteng naganap nang mag-check-in sila ni Kit sa Amega Hotel, Tagaytay City around 4 or 5 PM nu'ng March 17.


Katulad ng lumabas sa unang report, inamin ni Ana na nalasing nga sila ni Kit dahil dalawang bote pala ng alak ang binili nito.


Bago ang pambubugbog sa kanya, nag-uusap pa raw sila ni Kit sa hotel at nagtanong ito tungkol sa pang-iiwan niya sa kanyang ex-husband.


Yes, inamin ni Ana na ikinasal na siya sa USA nu'ng year 2017 pa, pero parang one month lang, naghiwalay na rin sila ng mister.


Pero nilinaw niyang walang third party involved kaya siya binugbog ng BF.


"Wala po akong ibang karelasyon, walang third party. Meron po siyang ibang pinagseselosan, 'yung ex ko po."


Natakot at nag-aalala raw siguro si Kit na iwan din niya kaya nagsabi itong gusto na siyang pakasalan.


At sa sobrang pagmamahal nga raw sa kanya ni Kit, nagbitaw pa ito ng salitang, "Ako, 'pag iniwan mo ako, patayin kita. Akin ka lang, 'di ka puwedeng mapunta sa iba. Mahal kita."

In-assure naman daw niya si Kit na hinding-hindi niya ito iiwan. 'Yun nga lang, nabanggit ni Ana na inamin sa kanya ni Kit na may anger problem ito at hindi raw makontrol ang galit.


In fact, bago ang insidenteng pambubugbog sa kanya, una na rin pala siyang nasampal ng boyfriend minsang magkasama rin sila. Pinalampas daw niya 'yun at pinagsabihan lang si Kit at akala niya ay magbabago na ito at hindi na 'yun uulitin.


Pero dahil nga sa nangyari ngayon kung saan sampal, sapok sa panga, pisngi, mata, ulo, sakal at untog sa pader pa raw ang inabot niya kay Kit, na-realize ni Ana na dapat pala ay unahing mahalin ang sarili bago ang ibang tao.


Tinanong namin si Ana sa tanong din ng mga netizens kung naka-drugs ba si Kit nang gawin sa kanya ang pambubugbog?


Parang hindi kasi makapaniwala ang lahat na magagawa 'yun ng aktor dahil mukha naman itong mabait at harmless kapag napapanood sa TV at mga pelikula.


Pag-amin naman ni Ana, nakita niyang may dalang marijuana si Kit pero hindi niya nakitang ginamit 'yun ng boyfriend kaya hindi siya sure.


Sa ngayon, sobrang sakit at trauma pa rin daw ang nararamdaman ni Ana kapag bumabalik-balik sa kanya ang eksena nila sa loob ng hotel na sinasaktan siya ni Kit.

Hindi na nga raw siya nakakatulog sa gabi at bangungot talaga sa kanya ang nangyari.


Sa kabila nu'n, aminado naman siyang mahal pa rin niya ang BF, pero buo rin ang loob niyang sinabi na kailangan niyang unahing mahalin ang sarili at papanagutin si Kit sa pananakit sa kanya dahil walang babae ang deserve na saktan at abusuhin ng lalaki.


Hindi raw niya naiisip ngayon ang posibilidad ng balikan kung sakali mang mag-sorry at suyuin siyang muli ni Kit dahil sariwa pa nga ang sugat sa kanyang katawan lalo na sa kanyang puso.


At kahit handa naman daw siya at ang kanyang ama na patawarin si Kit, inulit ni Ana na kailangang managot sa batas ang guwapong aktor para sa kanyang kasalanan.


Kaya naman, 2 counts of Anti-Violence Against Women and Children (VAWC), illegal detention at physical injuries ang mga kasong isinampa niya kay Kit Thompson at umaasa nga siyang makukulong ito para pagbayaran ang ginawa sa kanya.


Handa na raw siyang magkita sila ni Kit sa korte at dasal ni Ana ay bigyan siya ng lakas ng loob at tapang ng Panginoon para mabigyan ng katarungan ang nangyari sa kanya.


Todo-suporta naman ang ibinigay kay Ana Jalandoni ng kanyang pamilya, mga kaibigan at lawyers sa laban niyang ito.


Sabi nga ng ama ni Ana nang matanong kung ano'ng gusto nilang maging parusa ng korte kay Kit, kung ano raw ang nararapat sa batas, 'yun lang din ang hangad nila.


Puwede silang magpatawad, pero tuloy ang kaso laban kay Kit Thompson.


Habang isinusulat namin ito, hindi namin alam kung nakarating na kay Kit ang pagsasalita ni Ana. Pero bukas ang aming pahayagan sa panig naman ni Kit Thompson bilang sagot sa mga naging pahayag ni Ana Jalandoni.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page