Name, secret pa… MISIS NI ROBI, NANGANAK NA NG BABY BOY
- BULGAR

- 2 hours ago
- 3 min read
ni Julie Bonifacio @Winner | June 2, 2026

Photo: IG _iamrobidomingo
Isinilang na ang first baby ng Kapamilya host na si Robi Domingo. Masayang ibinahagi ng aktor-host ang magandang balita sa social media kahapon.
Sa pamamagitan ng isang video, ipinakita niya ang kanyang mag-ina sa loob ng kanilang hospital room.
Say ni Robi sa video, “Hello, guys. Welcome to the outside world.”
Karga ng misis niyang si Maiqui Pineda ang kanilang bagong silang na baby boy.
Caption ni Robi, “Our newest housemate (blue heart & house emoji).”
Marami sa mga kaibigang celebrities nina Robi at Maqui ang agad na bumati at nag-welcome sa kanilang firstborn. Kabilang dito sina Luis Manzano, Kim Chiu, Bianca Gonzalez, Alexa Ilacad, Donny Pangilinan at Darren Espanto.
Isa sa mga kumpirmadong ninong ng kanilang anak ay si Darren. Ibinahagi ni Robi ang larawan nila nang bumisita ang host ng It’s Showtime (IS) sa kanilang mag-anak.
Sa kanyang IG Story, ipinost ni Robi ang larawan nila ni Darren habang inaalagaan si Baby D.
Say ni Robi, “Ninong duties agad, wala pang 2 days sa outside world si Baby D! Hahaha!”
Samantala, tila may paunang pasilip na rin si Robi sa pangalan ng kanyang anak sa naging panayam sa kanya ni Gary Valenciano. Gayunman, naka-bleep ang kabuuang pangalan ng bata.
“We said, ‘Okay, Lord, we got the sign. So, we will be naming him… CENSORED… a.k.a. Gary,’” pagbubunyag ni Robi.
Congratulations kina Robi Domingo at Maiqui Pineda sa pagdating ng kanilang munting anghel!
NAGBIGAY ng reaksiyon ang City Mayor of Malolos, Bulacan na si Atty. Christian D. Natividad sa kumalat na video ng aktor na si Nikko Natividad.
Hindi sigurado si Mayor Christian kung ano ang eksaktong degree ng kanilang relasyon bilang magkamag-anak. Maaaring malayo na niyang kamag-anak si Nikko, ngunit may posibilidad pa rin na related sila dahil iilan lamang ang may apelyidong Natividad sa Malolos, Bulacan.
Bago pa raw sumikat ang aktor, madalas na dumadalaw ang dating Hashtags member sa kanyang opisina sa City Hall ng Malolos. Naka-anim na termino na bilang mayor ng Malolos si Atty. Christian.
Nang unang mabanggit ang isyu, aminado si Mayor Natividad na nagulat siya sa kumalat na video at hindi niya ito napanood.
“Nalungkot ako na may ganyan palang pangyayari sa kanya. Ang bata kasi na ‘yun, lumaki s’ya sa hirap. Kung anuman ang meron ang batang ‘yun ngayon, pinaghirapan n’ya,” lahad ni Mayor Christian sa members ng Phil. Movie Press Club na dumalaw sa kanya.
Dagdag pa niya, “‘Di ko s’ya puwedeng i-judge sa nangyayari sa kanya o sa nagrereklamo sa kanya. ‘Di ko alam ang totoong kuwento.
“Nanghihinayang ako at naaawa ako kung may ganoong isyu. Bilang ama at mayor, masakit din na may ganitong usapin na kinasasangkutan ng isang kabataan.”
Tulad ni Nikko, marami ring pinagdaanang hirap sa buhay si Mayor Christian.
“Sobrang makulay po ang buhay ko, as in. Survivor ako,” pagbabalik-tanaw niya.
Aniya pa, “In fairness sa ama ko, sikat na tao s’ya. Ala-Juan Ponce Enrile ang buhay ko. Medyo ganu’n din po.”
Dean’s lister siya mula University of Santo Tomas (UST) sa kursong Bachelor of Science (BS) in Commerce hanggang sa pagtatapos ng Law sa Far Eastern University (FEU).
“Nagkaroon din ako ng mga pelikula noon, extra-extra lang. Sa El Presidente, ganyan. May ginawa rin akong pelikula na ipinalabas sa ibang bansa. Gumanap akong NBI officer (National Bureau of Investigation officer), taga-tadyak ng pinto, humawak ng baril,” kuwento pa niya.
Ayon sa kanya, mga kaibigan ang nag-udyok sa kanya na sumubok sa pelikula.
Kung gagawin ang kanyang life story, nais niyang gumanap bilang siya si Jomari Yllana (na kahawig niya raw) o kaya ay si Joko Diaz.





Comments