Namatayan huwag pahirapan, pasyente bawal i-hostage
ni Judith Sto. Domingo @Asintado | November 3, 2023
Sa pagdaan ng Undas, muling nagbabalik sa gunita ng ilan nating mga mahihirap na kababayang ating nakasalamuha ang kalbaryo ng mawalan ng mahal sa buhay.
Mayroon pang mga hindi nakakabalikwas sa pagkakautang sa mga ospital kung saan nila isinugod o dinala ang kanilang kapamilya na kalaunan ay pumanaw din.
May isa tayong nakausap na anim na milyong piso ang naipong bayarin sa isang pribadong pagamutan kung saan niya dinala ang kanyang yumaong asawa at magpahanggang ngayon ay binubuno niya ang utay-utay na pagbabayad dito. Mayroon namang isa tayong kababayan na tatlong milyong piso ang kailangan pang bayaran.
Gustuhin man nilang ipagamot ang kanilang kamag-anak sa pampublikong pagamutan, sumubok silang pumunta sa mga ito ngunit punuan na kung kaya’t napilitan silang tumungo sa pinakamalapit na pribadong ospital. Doon ay unti-unti na silang nanlumo sa itinakbo ng bayarin sa bawat araw ng gamutan.
Ang mga sitwasyong ganito ay sumasalamin sa pinagdaraanan ng marami nating kababayan na nagpapalugmok sa kanilang kalagayan at nagiging balakid sa pagtahak nila ng pangarap na bumuti ang buhay.
Ang pagkuha ng death certificate ng yumao ay madalas na nagiging hamon para sa mahihirap dahil diumano ay sinasabihan sila ng ilang ospital na ibibigay sa kanila ang nasabing katibayan ng pagpanaw kapag naayos o napunuan na nila ang dapat bayaran sa pagamutan.
Ngunit sa ilalim ng Republic Act 9439 o ang Anti-Hospital Detention law, ang isang pasyente na gumaling na at maaari nang palabasin mula sa pagamutan o pumanaw na ay hindi maaaring idetine dahil sa hindi pa ito nakakabayad ng buo sa ospital. Hindi naman kasali rito ang mga pasyenteng gumamit ng private room o pribadong kuwarto.
Nakasaad rin sa batas na ang pinakamalapit o naulilang kamag-anak ng namatay ay siyang maaaring kumuha ng bangkay ng yumao at humingi ng death certificate nito para sa pagpapalibing. May mga parusang nakalaan sa bawat paglabag na pagbabayad ng ilang libo piso o pagkakakulong ng hindi bababa sa isang buwan at hindi lalagpas ng anim na buwan, o parehong pagbabayad at pagkakakulong.
Sa ilalim ng ating civil registration law, ang death certificate ay ang pangunahing dokumento na kailangan upang ang isang yumao ay payagang mailibing sa kanyang huling hantungan.
Hindi dapat pahirapan ang namatayan habang sila ay nagluluksa at namimighati. Lalong hindi dapat gawing hostage o bihag ang bangkay at hadlangan ang pagpapalibing nito para sa kapakanan ng lahat.
Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.





Sa ilalim ng Department of Health Administrative Order No. 2008-001,ang implementing rules and regulations ng Republic Act No. 9439, karapatan ng sino mang kamag-anak ng isang namatay na pasyente na humingi ng kopya ng death certificate ng yumaong kamag-anak kahit may pagkakautang pa nguni't ang death certificate ay para lamang gamiting dokumento upang maipalibing ang nasawi. Ang ginamit na termino sa naturang administrative order ay "to demand" na sa literal na salin sa Tagalog ay sapiitang humingi. Nguni't ito ay lagi o mas malimit na sinusuway kaysa sinusunod. Isa pa, ang karapatang yan ay hindi sakop ang isang namatay na gumamit ng private room.
Napapanahon na upang buhayin o muling ihain sa Kapulungan ng mga Kinatawan at sa Senado ang…