Nakonsumi raw talaga sa Himala… SEN. IMEE, UMAMING SUMAKIT ANG ULO KAY NORA
ni Beth Gelena @Bulgary Files | February 23, 2023

Si Superstar Nora Aunor ang guest sa programang Fast Talk with Boy Abunda last Monday, February 20.
Isa sa mga napag-usapan nila ay ang iconic movie ng Superstar na Himala.
Ayon kay Ate Guy, hindi maganda ang mga reaksiyon noong una sa Himala.
Kuwento niya, “Ang sabi nila sa akin, wala raw akong ginawa kundi ang magdidipa kaya hindi ako nanalo noon sa Metro Manila Film Festival."
Nalimutan yata ni Ate Guy na siya ang tinanghal na Best Actress sa 8th MMFF para sa karakter na ginampanan niya sa Himala.
“Hindi raw ako umarte, wala akong dialogue na mahirap kung anuman. So, 'yun ang sinabi nila kaya hindi ako nanalo," patuloy pa niya.
“After two years na ganoon ang usap-usapan, biglang nakita nila na 'yung ginawa ko pala, eh, importante, du'n sa Himala.”
Sino ba naman ang makakalimot sa kanyang walang kamatayang linya na hanggang ngayon ay naririnig pa rin?
"Walang himala! Walang himala! Ang himala ay nasa puso ng tao! Nasa puso nating lahat.
Tayo ang gumagawa ng himala! Tayo ang gumagawa ng mga sumpa at ng mga Diyos!"
Nabanggit din niyang nagkaroon ng stampede nu'ng isinu-shoot nila ang Himala.
Lahad ng Superstar, "Bago kinunan 'yun, ang sabi sa akin ni Direk Ishmael (Bernal), ‘Guy, eto, tutuhugin ko ang eksena.’
“Tuhog po 'yun kasi mula noong dumami ang mga tao hanggang sa… tinuhog lahat ang dialogue na 'yun.
“Limang kamera po 'yun, ang ginamit nila, hanggang [sa eksena] nag-stampede ang mga tao, isang take lang po 'yun.”
Ang kuwento ng iconic actress ay umayon naman sa sinabi ni Senator Imee Marcos sa isang panayam.
Nang tanungin ang senadora tungkol sa mga pelikulang nagbigay sa kanya ng konsumisyon noong siya pa ang director general ng Experimental Cinema of the Philippines, ang Himala at Oro, Plata, Mata (1982) ang mga binanggit niyang pelikula.
Esplika ng senadora, “Sumakit ang ulo ko sa Himala dahil sa puntong, si Ate Guy ay nakatali sa lahat ng uri ng magkasalungat na obligasyong kontraktuwal. Nahilo kami noon, maraming kaso para makuha siya noon.
“Pagkatapos, 'yun nga, namomroblema kami kung paano magsu-shoot. Kaya napadpad sa Ilocos Norte kung saan walang takas, walang gimmick. Kaya wala pang alas-otso nang umaga, ready to shoot na siya."





Comments