Nakokonsensiya sa giyera sa Iran... Senior intelligence official ni Trump, nag-resign
- BULGAR

- 3 hours ago
- 2 min read
ni Jenny Rose Albason @World News | March 19, 2026

File : AFP
Nagbitiw na sa kanyang puwesto si Joe Kent, isang senior US intelligence official na itinalaga ni US President Donald Trump.
Sa kanyang social media account, kinumpirma ni Kent ang pagbitiw bilang Director ng National Counterterrorism Center.
Ayon sa kanya, hindi na niya makayanan ng kanyang konsensya ang patuloy na mga giyera sa Iran. Giit niya na wala namang direktang banta sa US ang Iran, at isinagawa ang mga pag-atake dahil sa pressure mula sa Israel.
PINAKA-SENIOR OFFICIAL NG IRAN, TODAS SA ISRAEL
IPINAGMAMALAKI ng Israel ang pagpatay sa isa sa mga mataas na lider ng Iran, si Ali Larijani.
Itinuturing si Larijani bilang pangunahing opisyal sa seguridad ng Iran at isa sa pinakamalakas na tagagawa ng desisyon sa bansa. Siya rin ang pinaka-senior na opisyal ng Iran na nasawi, kasunod ng pagkamatay ni Supreme Leader Ayatollah Khamenei.
Kasama rin sa mga napatay ng Israel si Gholamreza Soleimani, ang pinuno ng Basij, ang kilalang kinakatakutang paramilitary force ng Iran.
Ayon kay Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu, patuloy nilang pinapahina ang mga puwersa ng mga lider ng Iran. Dahil dito, inaasahan nilang magkakaroon ng pagkakataon ang mamamayan ng Iran na mag-alsa laban sa gobyerno.
EUROPE, OUT SA US-ISRAEL VS. IRAN
NANINDIGAN si US President Donald Trump na hindi na kailangan ng Estados Unidos ang tulong ng ilang bansa sa Europa upang talunin ang Iran.
Ito ay kasunod ng pagtanggi ng maraming lider ng Europa na makisawsaw sa giyera ng US at Israel laban sa Iran.
Giit ni Trump na ang desisyon ng ilang European leaders ay isang malaking katatawanan.
Ipinagmalaki rin ng US President ang naging tagumpay ng pag-atake ng US sa Iran, kung saan maraming military facilities ng bansa ang nasira.






Comments