Pondo sa edukasyon sa 2026 national budget, pinakamataas sa kasaysayan
- BULGAR

- 6 hours ago
- 2 min read
ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | November 13, 2025

Nakatakbo ngayong linggo sa plenaryo ng Senado ang pagsisimula ng talakayan hinggil sa panukalang budget ng bansa para sa 2026. Binigyang-diin ng inyong lingkod na ang P1.38 trilyong inilaan sa sektor ng edukasyon ang pinakamataas sa kasaysayan, katumbas ng 4.5% ng Gross Domestic Product (GDP) o 20% ng kabuuang P6.793 trilyong panukalang budget para sa susunod na taon. Mahalaga ito, lalo na’t kinakaharap ng naturang sektor ang isang malawakang krisis.
Matatandaang iniulat ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II) na 24.8 milyon sa ating mga kababayan ang functionally illiterate. Ang pangkaraniwang mag-aaral ay natatapos ng Grade 3 nang hindi nakakamit ang literacy at numeracy.
Lumalabas din sa mga pag-aaral na isa sa apat na batang wala pang limang taong gulang ang maituturing na stunted o maliit para sa kanilang edad. Ito ay resulta ng kakulangan sa nutrisyon sa unang 1,000 araw ng buhay ng isang bata mula sa sinapupunan hanggang sa kanyang ikalawang kaarawan.
Ang lahat ng ito ay mga seryosong hamong kailangan nating harapin, bagay na binibigyan natin ng prayoridad sa ilalim ng 2026 national budget. Sa bersyon ng budget na tinatalakay ng Senado sa kasalukuyan, P992.7 bilyon ang inilaan para sa Department of Education (DepEd), P48.2 bilyon ang inilaan para sa Commission on Higher Education (CHED), samantalang P25.3 bilyon ang inilaan para sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA). May P140.3 bilyon namang nakalaan para sa ating mga State Universities and Colleges (SUCs).
Sa pagkakataong ito, tatalakayin natin ang inilaan nating pondo upang mapatatag ang pundasyon ng mga mag-aaral. Dinagdagan natin halimbawa ng P3 bilyon ang pondo para sa Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program, ang ating programa para sa learning recovery na layong bigyan ng libreng tutorial ang mga mag-aaral nating nahihirapan sa kanilang mga aralin. Ang dagdag na pondong ito ang gagamitin para bayaran ang mahigit 440,000 na tutors na tutulong sa 6.7 milyong mga mag-aaral na kailangang makahabol sa Reading at Math.
Dinagdagan din natin ang P18.08 bilyon na budget para sa mga textbooks. Kung isasama natin ang idinagdag ng Kamara na P11 bilyon para sa mga textbooks, aabot na sa P29 bilyon ang pondo para sa mga aklat. Mapopondohan nito ang 82 textbook titles para sa mahigit 20 milyong mga mag-aaral.
Nagdagdag din tayo ng pondo upang tugunan ang pangangailangan ng ating mga mag-aaral sa nutrisyon. Para sa School-Based Feeding Program, dinagdagan natin ang P13.61 bilyon na inilaan ng House of Representatives at ginawa na itong P15.06 bilyon. Mabibigyan natin ng masustansyang pagkain ang lahat ng mga mag-aaral sa Kindergarten at Grade 1 sa loob ng 200 araw, habang patuloy na sinusuportahan ang mga tinatawag na ‘wasted’ at ‘severely wasted’ na mga mag-aaral mula Grade 2 hanggang 6.
Ilan lamang ito sa binigyan natin ng prayoridad para sa pagpapatatag sa sektor ng edukasyon. Patuloy nating tutukan ang magiging talakayan sa mga susunod na araw upang matiyak na mailalaan natin sa mga tamang programa ang binabayad na buwis ng ating mga kababayan.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com








Comments