Nakapila habang pumipili ang mga Hapon… JODI, UMAMING NAG-JAPAYUKI, KUMITA SA JAPAN
- BULGAR

- 3 days ago
- 3 min read
Updated: 2 days ago
ni Vinia Vivar @Frankly Speaking | April 17, 2026

Photo: Jodi Sta. Maria - Instagram
Ibinulgar ni Jodi Sta. Maria na tatlong gabi niyang naranasan na totoong maging ‘Japayuki’ o Filipina entertainer sa Japan kasama sina Sanya Lopez, Jane Oineza at Loisa Andalio.
Parte raw kasi ito ng immersion na isinagawa nila para sa pelikulang Midnight Girls (MG) kung saan ang role nila ay mga Japayukis.
“Bukod du’n sa kailangan naming araling magsalita ng Nihongo (Japanese language), meron din kaming ginawang immersion,” sey ni Jodi sa ginanap na advanced screening at mediacon last Wednesday.
“So, we spent parang 3 nights sa isang ‘omise’ (bar) kung saan kami nagtatrabaho,” dagdag niya.
Habang nagtatrabaho sila sa omise ay wala raw alam ang mga Japanese customers na mga artista sila.
“Walang nakakaalam sa mga Japanese clients na pumunta ru’n kung sino kami o kung bakit kami nandu’n. Ang alam lang nila, mga bagong salta na babae,” kuwento ni Jodi.
Doon ay ginawa rin daw nila ang normal na ginagawa ng mga Pilipinang nagtatrabaho sa bar tulad ng nakapila sila habang pumipili ang mga Hapong customers.
“So, kailangan naming mag-show-up kung saan kailangan naming pumila at pipili ang Hapon kung sino sa amin ang gusto n’yang maka-table. May part din du’n na ie-entertain mo talaga sila,” tsika ni Jodi.
“Bukod du’n, kung ano ang ipapagawa nila, kung sinabi nilang kumanta ka, kakanta ka. Kung papasayawin ka nila, sasayaw ka.
“And then there was one night also as part of our immersion, nagkaroon kami ng parang mini-show na may center stage kung saan the 4 of us had to perform.
“And then du’n namin na-experience na ‘yung mga chopsticks, isinisingit nila. Kasi ‘yun ang parang tip,” kuwento ng aktres.
At dahil nga sa mga tip na ibinigay sa kanila ay kumita pa raw siya ng extra na ginastos niya habang nagsu-shoot sila sa Japan.
“Dahil du’n sa immersion namin, nagpapasalamat din ako dahil one month akong ‘di gumastos para may pambili ako ng kape, ganyan. So, kumita rin ako sa Japan,” masayang wika ni Jodi.
The film was entirely shot in Nagoya mula sa direksiyon ni Irene Emma Villamor. Ginagampanan ng apat na aktres ang role na Filipina entertainers at may kani-kanya silang kuwento ng buhay na base sa real-life stories ng mga Japayuki doon.
Showing na ang Midnight Girls sa mga sinehan sa May 13 at kasama rin dito sina Carmi Martin, Zaijian Jaranilla, Miggy Jimenez at marami pang iba.
Para kay Nadine Samonte, answered prayer ang pagkakaroon niya ng sariling brand ng food supplement and drinks, ang Anaiah na nagkaroon na ng launching last Wednesday na ginanap sa Incanta Cave Bar and Restaurant.
Aniya sa naturang media launch, dati ay lagi raw niyang tinatanong sa sarili kung ano ba ang kanyang purpose.
“Dati, sabi ko sa sarili ko at sabi ko sa husband ko, ‘I want to do something.’ Parang ‘What’s my purpose?’ ‘Yun ‘yung laging dasal ko noon, eh. Ano bang purpose ko?
“After being an actress, after being a mom, what’s next? So, ‘yun ‘yung nasagot sa akin. Anaiah means ‘answered prayer of God,’” pahayag ng aktres.
Bago ito ay marami na raw siyang sinubukang negosyo. Nagbenta na raw siya dati ng danggit at tuyo na na-bash pa raw siya. Bata pa lang daw kasi siya ay talagang mahilig na siyang magbenta kahit sa school niya noon.
Two years in the making daw ang Anaiah at talagang hands-on siya habang ginagawa ang mga produkto dahil kailangan niyang siguruhin ang kalidad at safety nito.
Sa ngayon ay may limang klase ng food supplements and drinks ang Anaiah at maaari pa raw itong madagdagan in the future. Masaya rin ang aktres dahil FDA-approved na raw ang kanyang mga produkto.
Samantala, few days ago ay humihingi ng dasal si Nadine para sa kanyang bunsong anak na si Harmony na nabagok ang ulo matapos itong mahulog sa monkey bar sa school.
Sa media launch ay nagbigay ng update ang aktres na thankfully ay okay na raw ang kanyang anak at nakalabas na rin sa ospital.
“She’s now okay, thank God. The good part naman is at least her CT scan at mga tests sa kanya are all fine,” pagbabahagi ni Nadine Samonte.












Comments