Nakakaalarma ang pataas nang patas na bilang ng mga Filipino OSYs
- BULGAR

- Feb 13, 2021
- 2 min read
ni Sonny Angara - @Agarang Solusyon | February 13, 2021
Apat na milyong mag-aaral ang naidagdag sa mga out-of-school youth sa kasalukuyang school year. Isang nakababahalang datos mula mismo sa pahayag ng Department of Education (DepEd).
Hindi pa man tayo hinahagupit ng COVID-19, mataas na ang datos ng out-of-school youth sa bansa dahil sa iba’t ibang dahilan. Pangunahin d’yan ang kawalan ng kakayahang pinansiyal.
Pero ang nakalulungkot, ngayong panahon ng pandemya, mas dumagdag pa ang dati nang nakaa-alarmang bilang ng Filipino OSYs. Isa sa mga dahilan, ang mismong epekto ng COVID-19 pandemic sa sektor edukasyon.
Bilang tayo ang chairman ng Senate Committee on Youth, napakalaking usapin ng isyung ito sa atin. Isa sa ating mga adbokasiya bilang lingkod-bayan ay maisulong ang edukasyon, ang reporma rito at matiyak na ang bawat tahanan ay makapagpapatapos ng kani-kanilang anak sa pag-aaral.
Noong 2019, nakapagtala ang DepEd ng 27 milyong enrollees, kung saan pagsapit ng Agosto 2020, dahil sa pananalasa ng COVID-19, bumagsak ito sa 23 milyon sa pinagsamang enrollment sa public at private schools. At sa halos 4 milyong unenrolled, 2.75 milyon dito ay mga estudyante ng mga pribadong paaralan.
Sa datos ng Philippine Statistics Authority noong 2017, umaabot sa 3.53 milyon sa tinatayang 39.2 milyong kabataang Pinoy na may edad 6 hanggang 24 ang ikinokonsiderang OSY. Sa bilang na ‘yan, 83.1 percent ay kabataang may edad 16 hanggang 24; 11.2 percent naman ay mga batang nasa edad na 12-15 at 5.7 percent ay mga mag-aaral na may gulang na 6 hanggang sa 11.
Base pa rin sa naturang datos, halos 50 porsiyento ng ating OSYs ay mula sa pinakamahihirap na pamilya na walang kakayanang makapagpa-aral ng mga anak.
At upang maresolba ang mga kinahaharap nating suliranin sa OSYs, tayo sa Senado ay nagsulong ng panukala: ang Senate Bill 1090 o ang Magna Carta of the OSYs.
Nilalayon natin dito na palakasin ang mandato ng gobyerno sa pagpapatupad ng mga polisiya at iba’t ibang programang makatutulong sa kanila.
Kabilang sa mga ahensiya ng gobyerno na mangangasiwa at magpatutupad ng mga programang ito ang DepEd, Technical Education and Skills Development Authority o TESDA; ang Commission on Higher Education (CHED); Department of Health (DOH); Department of Social Welfare and Development (DSWD); Department of Labor and Employment (DOLE) at ang Department of Trade and Industry (DTI).
Sa ilalim ng Magna Carta of the OSY, sasailalim ang ating out-of-school youth sa mandatory techvoc education sa TESDA at mapapabilang din sa government scholarships tulad ng Universal Access to Quality Tertiary Education at ng Unified Student Financial Assistance System for Tertiary Education sa pamamagitan naman ng CHED.
Mula pa noong tayo ay kongresman pa lamang ng lalawigan, pangunahing adbokasiya na natin ang edukasyon, kaakibat ng ating namayapang ama na si dating Senate President Edgardo Angara.
Hindi katanggap-tanggap na marami sa ating mga kabataan, nang dahil sa kahirapan at nang dahil sa pandemyang ito ay maiiwan sa edukasyon. Hindi tayo papayag dito kaya’t lahat nang maaari nating ipanukalang batas para sa edukasyon ay sisiguruhin nating makasusulong.
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City
o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com





Comments