top of page

Nakaka-proud ang mga bayani, noon at ngayon

  • BULGAR
  • Aug 30, 2022
  • 4 min read

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | August 30, 2022


Ang Araw ng mga Bayani sa Pilipinas ay ginunita kahapon, Agosto 29 upang alalahanin ng ating mga kababayan ang lahat ng bayani ng ating bansa na tumulong upang magkaroon tayo ng kasarinlan at maging ganap na malayang bansa.


Sa ganitong araw ay hindi natin nakakalimutan ang kabayanihan nina Jose Rizal, Andres Bonifacio, Emilio Aguinaldo, Apolinario Mabini, Marcelo H. del Pilar, Sultan Dipatuan Kudarat, Juan Luna, Melchora Aquino at Gabriela Silang na kahit balik-balikan ang kasaysayan ay mananatiling walang hihigit sa kanilang naging ambag sa ating bansa.


Ngunit sa pagkakataong ito hindi ko naman nais isaisantabi ang kanilang pagsisikap sa ating bansa bagkus ay sila ang aking inspirasyon para alalahanin naman natin ang ating mga ‘modern day heroes’ na nagpakita naman ng ibang kabayanihan para sa ating bansa.


Unahin na natin ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na tinaguriang buhay na bayani dahil sila ang nagpapasok ng dolyar sa ating bansa bunga ng kanilang literal na pagbabanat ng buto para lamang maiahon sa kahirapan ang kanilang mga mahal sa buhay.


Maraming kuwento ng mga kababayan nating ina na piniling iwan ang kanilang mga sariling anak para lamang mag-alaga ng anak ng may anak sa ibang bansa kapalit ng buwanang suweldo para lamang maitawid ang kahirapang nararanasan.


Kaakibat ng pagtatrabaho ng mga ina sa ibang bansa ay ang sitwasyong hindi nila inaasahan sa bansang kanilang pupuntahan at karamihan ay dumaranas ng pisikal na pananakit mula sa kanilang amo na ang iba ay tumatakas ngunit may ilan na tinitiis ang hirap kapalit ng dolyar.


Marami tayong kababayang domestic helper na ginagahasa o kaya ay ginagawang sex slave ng kanilang mga amo na ang ilan ay nagrereklamo, ngunit may ilan din na tinitiis ang lahat dahil sa takot na makulong pa o kaya ay mawalan ng trabaho.


May mga kaso ring ang mga anak mismo ng OFW ay napariwara, nalulong sa bawal na gamot, nakulong, nahinto sa pag-aaral, nabuntis at marami pang pangyayari na ang pagsisikap ng kanilang mga magulang ay nauwi sa wala.


May mga OFW na natukso sa ibang relasyon habang nasa ibang bansa at may mga asawa naman na naiwan sa bansa ang siya namang natukso sa bawal na pag-ibig na ang resulta ay nasira ang pamilya ngunit tuloy pa rin sila sa pagdurusa sa pakikipagsapalaran bilang OFW.


Marami rin namang kuwento ng tagumpay na nakapagtapos ng pag-aaral ang lahat ng mga anak, ngunit hindi na maibabalik ang napakahabang panahon na pinaghiwalay ng pagkakataon ang isang ama sa kanilang mga anak para lamang mapaganda ang kanilang kinabukasan.


Iba naman ang sakripisyo ng ating mga guro, lalo na ‘yung mga nakatalaga sa mga lalawigan at bulubunduking bahagi ng bansa na hindi alintana ang hirap basta magampanan lamang ang kanilang sinumpaang tungkulin.


May mga guro na kailangan pang lumakad ng malayo at umakyat ng kabundukan para lamang humanap ng signal dahil kailangan nilang magturo online at may iba namang personal na dinadala ang mga module ng kanilang mga estudyante sa bawat bahay para matuto lang.


Hindi biro ang mahigit sa dalawang taong nag-iingat ka na mahawa sa sa COVID-19 dahil para kang nakikipagpatintero kay kamatayan, lalo na noong wala pang bakuna, para magampanan mo lamang ang pagiging isang teacher.


Sa tuwing dumarating ang eleksyon sa bansa, hindi naman natin ito maisasakatuparan ng matagumpay kung wala ang sakripisyo ng ating mga guro na ang ilan ay nagbubuwis din ng buhay dahil sa kagagawan ng ilang masasamang loob.


Hindi matatawaran ang karunungang taglay nating lahat kung hindi dahil sa sakripisyo ng ating mga guro kaya marapat lang na alalahanin din natin sila sa panahong ginugunita natin ang Araw ng mga Bayani.


Makakalimutan ba natin ang kabayanihang ginawa naman ng ating mga frontiliner na sa kasagsagan ng pandemya ay literal na nagbuwis ng buhay para mailigtas lamang ang marami nating kababayan.


Dumating ang panahong wala na talagang masakyan ang mga manggagawa ngunit mas pinili pang magbisekleta ng ilang mga frontliners para lamang magampanan ang kanilang tungkulin sa gitna ng kasagsagan ng pendemya.


Hindi na mabilang ang dami ng ating mga doktor, nurses at iba pang medical workers ang binawian na ng buhay ngunit hanggang ngayon kahit kulang na kulang ang kanilang kompensasyon ay nananatiling naninindigan para lamang protektahan ang sambayang Pilipino.


Kulang na kulang ang mga nurses sa ibang bansa, ngunit mas marami sa kanila ang piniling manatili sa bansa sa panahong kailangang-kailangan sila ng ating mga kababayan.


Ilan lang sila sa dapat nating bigyang pugay sa kanilang kabayanihan dahil sa panahon ng pandemya ay nakita rin ang pagsisikap ng ating Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Phils. (AFP), magsasaka, mangingisda at lahat ng manggagawang Pilipino na tumutulong at sumusuporta sa pamahalaan.


Maging ang pagpapaturok ng bakuna laban sa COVID-19 sa panahong ito ay maituturing ng kabayanihan dahil ang kaligtasan mo ay kaligtasan ng bawat Pilipino. Pero kung ayaw mo pabakuna ay hindi ko alam ang dapat na itawag sa isang tulad mo!


Anak Ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page