Naka-7 na ang Bucks, Lakers, dumalawa, Mavs, nakalusot
- BULGAR
- Nov 4, 2022
- 2 min read
ni Anthony E. Servinio - @Sports | November 4, 2022

Humataw ang numero unong Milwaukee Bucks sa ika-7 sunod na panalo at umulit sa bisitang Detroit Pistons, 116-91, sa tampok na laro sa NBA kahapon mula sa Fiserv Forum. Matapos matalo ng lima sa pagbukas ng torneo, dalawang sunod na ang Los Angeles Lakers at tinakasan ang bisitang New Orleans Pelicans, 120-117.
Kabaligtaran ng kanilang 110-108 lusot sa parehong koponan noong isang araw, dominado ng Bucks ang buong 48 minuto maliban sa dalawang beses sa first quarter kung saan lumamang ng isang puntos lang ang Pistons. Bumuhos ng 32 puntos at 12 rebound si Giannis Antetokoumpo at sinundan ni Jrue Holiday na may 26 puntos at dadalaw na ang Milwaukee sa Minnesota Timberwolvs matapos ang anim na sunod-sunod na laro sa tahanan.
Pumukol ng 3-points sabay ng tunog na busina si Matt Ryan para sa dagdag 5 minuto, 111-111. Sa overtime, ipinasok nina Anthony Davis at LeBron James ang magkasunod na buslo para sa 120-115, at kumapit ang Lakers sa nalalabing 2 minuto.
Nanguna sa Lakers si Lonnie Walker IV na may 28 puntos mula sa 5 tres. Double-double sina Davis na 20 puntos at 16 rebound at James na 20 puntos at 10 rebound.

Binitin ng Dallas Mavericks ang Utah Jazz, 103-100, naka- 33 puntos at 11 assist si Luka Doncic. Naitala ng Cleveland Cavaliers ang 2nd win laban sa Boston Celtics, 114-113, sa OT. Naging bayani si Tyler Herro sa tres na may 2.5 segundong nalalabi upang itulak ang Miami Heat sa 110-107 win vs. Sacramento Kings.
Samantala, si Coach Steve Nash ng Brooklyn Nets ang unang head coach na nasisante ngayong taon matapos ang kartadang 2-5. Si assistant coach Jacque Vaughn ang gumabay sa Nets sa 99-108 talo vs. Chicago Bulls.





Comments