Naibalik na raw ang 9, may 1 pang nawawala… P30 M SENSITIBONG PHOTOS SA USB, LAMAN NG HINAHANAP NA ANGPAO NINA RHIAN AT MICHELLE
- BULGAR

- 11 minutes ago
- 4 min read
ni Janiz Navida @Showbiz Special | February 3, 2026

Photo: Rhian Ramos at Michelle Dee - IG
Kinumpirma na ng abogado nina Michelle Dee at Rhian Ramos na si Atty. Maggie Abraham-Garduque sa programang Fast Talk with Boy Abunda kahapon (Feb. 2) na P30 million ang halaga ng mga sensitibong larawan na laman ng hinahanap na angpao ng beauty queen at Kapuso actress sa driver ng huli na nagreklamo ng pambubugbog at illegal detention laban sa dalawa at sa isa pang beauty queen na si Samantha Panlilio na kasama nila sa condo.
Sa binasang impormasyon ng TV host na si Boy Abunda, kinumpirma rin daw ni Atty. Garduque na naibalik na ang 9 sa 10 sensitibong larawang hinahanap nina Michelle at Rhian sa driver na nakilala sa alyas na “Totoy”.
Kinumpirma rin daw ng abogado na nagpadala si Michelle ng 2 babaeng staff niya sa bahay ni alyas Totoy sa Samar matapos magsumbong ang asawa ng driver na kinuha ni “Totoy” ang mga nawawalang sensitibong larawan.
Sinabi rin daw ng misis ni alyas Totoy na nasa kanya ang 2 sa mga nawawalang sensitibong larawan at kusa itong ibinalik, pero kulang pa rin ng 1 at ‘yun ang hinahanap nina Michelle at Rhian.
Kaya naman, kahit paano ay nagkaroon na ng linaw sa misteryosong tanong ng madlang pipol na “Ano ba ang laman ng angpao?”
Pero kasabay ng paglabas ng impormasyong ito, nagkaroon muli ng panibagong tanong sa isip ng marami at lalo pa tuloy na-curious ang mga Marites. Gaano nga ba kasensitibo ang mga naturang larawan at bakit may halaga itong P30 M? Para saan ang P30 M? For sale ba ang mga naturang larawan?
Anyway, may mga kumakalat din sa social media na diumano’y mga USB na naglalaman nga ng mga sensitibong larawan ang laman ng angpao. Sayang at hindi pa ito nabigyang-linaw ng abogado nina Rhian at Michelle.
Samantala, sa kabila ng akusasyon ng driver ni Rhian na binugbog siya ng aktres at ni Michelle Dee kasama si Sam Panlilio, ipinahayag ng kampo ng Miss Universe Phils. 2023 na wala siyang kinalaman sa insidente dahil nasa out of town daw siya nang mangyari ‘yun.
May mga nag-aakusa tuloy ngayon kay MMD (Michelle) na naghuhugas-kamay lang ito at tipong mas idiniin pa sina Rhian at Sam na siyang dapat lang magpaliwanag sa reklamo ng binugbog na driver.
Inaakusahan ng ilang netizens si MMD na sariling image lang ang nililinis at inilaglag na ang mga BFF niya.
Yes, may ganern, ha?!
SAMANTALA, sa pagputok ng kontrobersiyal na isyu ngayon sa pagitan nina Rhian Ramos-Michelle Dee-Samantha Panlilio laban sa driver ng una, kumalat din ang balitang ang vlogger na si Wil Dasovich na ang bagong boyfriend ni Rhian.
Bagama’t wala pang pag-amin o pagde-deny si Rhian tungkol dito, nahusgahan na agad siya ng mga judgmental na netizens.
Anila, sayang naman daw at bakit pinalagpas pa ni Rhian si Sam Verzosa na owner ng Maserati Phils. at pipili na lang ng ipapalit dito, si Wil Dasovich pa na balitang wala raw kotse at nagga-Grab lang.
Kaya ang kantiyaw ng ilang netizens, “From Maserati to Grab, awww!”
Naku, ayan, nadagdagan pa tuloy ang isyu kay Rhian Ramos, ha?
NAPAKA-TALENTED naman ng batang singer-composer na si Love Kryzl dahil sa kanyang edad na 9, hindi nga lang ito basta kumakanta, nakakapag-compose pa ng sarili niyang kanta.
Nu’ng Saturday (January 31), ini-launch na nga ang ika-anim na single ni Love Kryzl, ang Heart’s in Bloom. Ipinarinig niya ito sa mediacon na ginanap sa Academy of Rock at marami sa mga nakarinig ang pumuri sa kanta dahil nakaka-LSS daw.
Ang Heart’s In Bloom ay personal na isinulat at komposisyon ni Kryzl Jorge, hango sa kanyang hangaring salubungin ang bagong taon ng may linaw, pag-asa, at emosyonal na pag-unlad. Hatid ng awitin ang isang makapangyarihan ngunit banayad na mensahe – hindi kailangang maging maingay o perpekto ang mga bagong simula, sapat na ang maging tapat.
Ipinanganak ang kanta mula sa mga tunay na yugto ng paghilom, paglago, at tahimik na katatagan. Sinasalamin nito ang pagpiling bumangon matapos ang sakit, makakita ng liwanag matapos ang dilim, at yakapin ang pag-ibig matapos ang bawat aral ng buhay.
Nabuo ang awitin sa gabay ng voice coach ni Kryzl na si Rachel Ann Pegason Alejo, na siya ring nag-ayos ng komposisyon para lubos na maipahayag ang emosyon at mensahe sa himig at pagbibigay-buhay sa boses.
Ang Heart’s in Bloom ay prodyus ng Purple Hearts Production, na lalo pang nagpatibay sa bisyon ng proyektong lumikha ng musikang may layunin, puso, at kabuluhan.
Habang umuusad ang taon, inaanyayahan ng Heart’s in Bloom ang mga tagapakinig na lumago sa sarili nilang ritmo — bitbitin ang mga aral, bitawan ang hindi na nagsisilbi, at magtiwalang ang bawat karanasan ay paghahanda sa mga darating.
Paalala ito na ang taon ay nagsisimula hindi sa takot o pagmamadali, kundi sa pagiging matatag, mapagpasalamat, at patuloy na namumulaklak.
Higit pa sa musika, patuloy na nangunguna si Kryzl sa malasakit at layunin. Sa paghahanda niya para sa kanyang ika-10 kaarawan ngayong Hulyo, nananatili ang kanyang matibay na adbokasiya sa pagbibigay.
Kaugnay ng makabuluhang yugto na ito, susuportahan niya ang 10 organisasyon o indibidwal sa pakikipagtulungan sa Purple Hearts Foundation, bilang patunay ng kanyang pusong handang maglingkod.
Bilang bahagi ng selebrasyon ng kanyang ika-10 kaarawan, tinatapos din ni Kryzl ang 10 orihinal na kanta na itatanghal sa kanyang nalalapit na concert.
Upang suportahan ang malikhaing paglalakbay na ito, maglalabas ang Purple Hearts Production ng buwanang music videos ng mga kanta ni Kryzl sa buong taon — na magbibigay-daan sa publiko na masaksihan ang kanyang artistikong paglago, kuwento kada kuwento.
Ang una niyang limang original songs ay nasa Spotify, Apple Music, at sa Love Kryzl’s World YouTube channel.
Ang Heart’s in Bloom ay higit pa sa isang kanta — isa itong pahayag ng pag-asa, paglago, at pag-ibig, na nagtatakda ng tono para sa isang taong puno ng layunin, musika, at makabuluhang ambag.














Comments