Nahuling online scammers, dating mga empleyado ng POGO
- BULGAR

- Jun 28
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | June 28, 2025

Habang ang digital age na dapat sana’y nagbubukas ng mas maraming oportunidad, tila ito rin ngayon ang paboritong playground ng mga kriminal.
Sa datos na inilabas ng Philippine National Police-Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG), aabot na sa 5,099 ang naaresto mula Enero hanggang kalagitnaan ng Hunyo ngayong 2025 dahil sa mga online scam at maituturing na ring cybercrime.
Ang mas nakakabahala rito, karamihan sa kanila ay mga lalaking walang trabaho na nasa edad 20 hanggang 30 — panahong dapat ay nasa kasagsagan sila ng productivity o pagiging produktibo.
Lumalabas din sa report ng kapulisan na ilan sa mga nahuli ay dating empleyado ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) na napilitang humanap ng kabuhayan at bagong pagkakakitaan matapos ang total ban. Ang iba ay dating security guard na nagsagawa umano ng kanilang racket ng online scam.
Habang may mga lehitimong nagtatrabaho online, hindi maikakailang lumalaki ang underground digital economy — mabilis, delikado, at madalas walang kaakibat na accountability.
Ayon kay PNP-ACG acting director Brig. Gen. Bernard Yang, kailangang amyendahan ang SIM Card Registration Law upang limitahan ang bilang ng SIM cards na puwedeng irehistro ng isang tao. Sa kasalukuyan aniya, maaaring magrehistro ng 10 SIM cards, kaya naman pinakikinabangan ito ng mga scammer.
Itinutulak din ng kagawaran ang mas mahigpit na regulasyon sa mga social media platform sa ilalim ng Cybercrime Prevention Act, upang ang mga kumpanyang ito ay magkaroon ng mga physical offices sa bansa.
Isa pang kinakaharap ng PNP-ACG ay ang mga AI-generated video na nagpo-promote ng trading platform at mga halimbawa ng “deepfake” na puwedeng manira ng reputasyon at manlinlang ng publiko. May mga kaso rin ng e-wallet thefts, iba pang katulad nito, na may kinalaman sa online scam.
Sa dami ng mga nahuling online scammer at naitalang cybercrime cases, sa loob lamang ng halos anim na buwan, nagpapatunay lamang ito na may malalim na problema at kinakailangan ng agarang solusyon.
Kumbaga, namayagpag muna ang mga mandarambong gamit ang digital platform na siguradong marami ang nabiktima bago pa tuluyang nahuli ng pulisya.
Maraming batas na ang ginawa, pero kulang ito sa implementasyon at mahigpit na panuntunan.
Sa panahon ng AI at social media, ang pinakamabisang proteksyon pa rin ay edukasyon, oportunidad, at matibay na batas. Higit sa lahat, kailangan natin ng gobyernong mabilis umaksyon habang ang mga mamamayan ay dapat maging mapanuri.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com








Comments