top of page
Search
  • BULGAR

Nagsumbong daw sa madir na natulog sa room niya si Dominic… BEA, TINANGGAL ANG MGA KASAMBAHAY AT DRIVER

ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | March 17, 2024


Photo: Bea Alonzo / IG


Nagtataka raw si Bea Alonzo kung paano nalaman ng magulang niya na sa bahay niya natutulog si Dominic Roque — at sa kuwarto pa niya.


Kaya ang ending, pinaalis niya ang mga kasambahay niya, pati ang long-time driver, dahil duda niya, sila ang nagparating sa kanyang inang si Gng. Mary Ann Ranollo tungkol dito. Base sa tsikahan nina Nanay Cristy Fermin, Wendell Alvarez at Romel Chika sa Showbiz Now Na (SNN) na mapapanood sa YouTube channel, “Duda raw ni Bea na ang driver niyang si Jojo ang nagsumbong kay Mommy Mary Ann na bago pala sila (pamilya) nagpunta ng Singapore ay natulog sa kuwarto niya (Bea) itong si Dominic at nu’ng pagbalik galing Singapore ay natulog naman sa sala at nadatnan na nakahilata, eh, hindi naman si Jojo ang nagsumbong kay Mommy Mary Ann,” kuwento ni ‘Nay Cristy sa SNN.


Nang magkita raw ang grupo ng SNN at si Mommy Mary Ann kasama ang ilang kaibigang galing ibang bansa ay natanong daw ng ina ng aktres kung sino ang nagkuwento kay Ogie Diaz ng mga nangyayari sa dalaga at kay Dominic.


“Sabi ko, eh, di sila-sila (kasambahay) rin," sambit ni ‘Nay Cristy.


Totoo naman, walang ibang maglalabas ng nangyayari sa loob ng bahay kundi ang mga kasama rin sa bahay, dahil paano naman malalaman ito ng ibang tao na hindi nakatira sa loob ng bahay?


“Pinagbibintangan si Jojo na nagkuwento kay Mommy Mary Ann, eh, ‘di ba, buong publiko ang alam, hiwalay sila? Nagsaulian ng singsing at hindi na matutuloy ang kasal? Ano ang ginawa ninyo (Bea at Dom) habang ang mga tao ay gulung-gulo kung matutuloy pa ba ang kasal n'yo o magbabalikan ba kayo o kayo ba ay magmamahalan ulit, eh, natutulog naman pala si Dominic diyan sa bahay mo, sa kuwarto mo pa?” gigil na tanong ni ‘Nay Cristy kay Bea.


Hirit ni Wendell, “So, ano ‘yun, gimik lang pala ‘yung hiwalayan? Gimik lang pala ‘yung solian ng singsing?”


“Ewan ko sa kanila kung ano ang gusto nilang palabasin?” sagot ni ‘Nay Cristy.


At saka nito binanggit na 'yung mga kasama sa bahay ni Bea na sinorpresa siya nitong Araw ng mga Puso na binigyan siya ng cake at balloons ay wala na raw lahat 'yun, pinaalis na at isa roon si Jojo, ang driver.


Samantala, bukas ang BULGAR sa panig ni Bea tungkol sa isyung ito at isama na rin si Dominic na natutulog pala siya sa bahay ng aktres.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page