Nagpapakalat ng fake news, ‘di na nakakatulong, dagdag-problema pa!
- BULGAR

- Dec 8, 2020
- 2 min read
ni Ryan Sison - @Boses | December 8, 2020
“Fake news!”
Ito ang sinabi ng Palasyo at Inter-Agency Task Force on the Management of Emerging Infectious Diseases hinggil sa balitang magpapatupad ng nationwide lockdown mula Disyembre 22, 2020 hanggang Enero 3, 2021.
Nilinaw din ng Palasyo na walang katotohanan ang kumakalat na text messages hinggil sa pagpapatupad ng lockdown sa bansa ngayong Kapaskuhan.
Dahil dito, nanawagan si Cabinet Secretary Karlo Nograles sa mga Pilipino na iwasang magkalat ng unverified information.
Matatandaang, unang sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na ang Metro Manila, Batangas, Iloilo City, Tacloban, Lanao del Sur, Iligan at Davao City at isasailalim sa general community quarantine (GCQ) hanggang katapusan ng Disyembre, habang ang ilang lugar sa bansa ay mananatili sa modified general community quarantine (MGCQ).
Sa totoo lang, nakadidismaya dahil sa kabila ng paulit-ulit na paalala, heto na naman tayo. Hindi na natapus-tapos ang mga pagpapakalat ng fake news.
Hindi lang pagkalito ang maidudulot nito sa publiko dahil ‘pag sinabing “lockdown”, magpa-panic na naman ang taumbayan at tiyak na dagsa ang mga ito sa pamilihan. Magkukumahog mamili at mag-imbak ng pagkain, na puwedeng magresulta sa artificial shortage ng suplay ng mga pangunahing bilihin.
Paalala sa publiko, bago maniwala sa mga balita, siguraduhin munang lehitimo ang impormasyon. Maglaan ng oras para itsek ang mga opisyal Facebook page ng mga ahensiya ng gobyerno para sa mahahalagang anunsiyo, gayundin, bisitahin ang mga lehitimong news website.
Alam naman nating hindi maganda ang dulot ng fake news, kaya plis lang, ‘wag basta maniwala hangga’t hindi kumpirmado ang balita.
At kayong mga nagpapakalat ng fake news, isipin n’yo kung gaano kalala ang epekto ng mga ginagawa n’yo. Hindi na nga kayo nakatutulong sa laban kontra pandemya, dagdag-problema pa kayo. Tsk!
Pakiusap sa lahat, imbes na dumagdag sa problema, maging bahagi na lang tayo ng solusyon.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments