top of page
TEKA NGA - GARY V., 62 NA, WALA PA RING BALAK MAG-RETIRE_IG _garyvalenciano.jpeg

Nagpabayang LGUs sa vaccination rollout, turuan ng leksiyon!

Writer: BULGAR
BULGAR
Nov 19, 2021
2 min read

ni Ryan Sison - @Boses | November 19, 2021



Suspensiyon o pagkatanggal sa serbisyo ang maaaring iparusa sa sinumang local government units (LGUs) na hindi naabot ang vaccination target sa kanilang lugar kung mapatutunayang nagpabaya ang mga ito.


Ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Undersecretary Jonathan Malaya, bago matapos ang linggong ito ay padadalhan na nila ng ‘show cause’ orders ang ilang LGUs na hindi nakakuha ng COVID vaccination targets at ang mga mapatutunayang nag-aksaya ng bakuna.


Sa ngayon, tinatapos at bina-validate na aniya ang mga report mula sa National Vaccine Operation Center.


Samantala, nilinaw ng opisyal na mismong DILG ang magsasampa ng kaso sa LGUs at kapag napatunayang nagpabaya sila sa rollout ng bakuna sa kanilang nasasakupan ay maaari silang masuspinde o matanggal sa serbisyo.


Matatandaang inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang DILG na patawan ng kaukulang parusa ang LGUs na nagkaroon ng pagkukulang o problema sa kanilang COVID-19 vaccination rollout.


Sa totoo lang, may pananagutan din ang mga opisyal ng lokal na pamahalaan dahil sila ang pinagkatiwalaan ng gobyerno na magbigay ng bakuna sa kanilang mamamayan.


Hindi puwedeng matengga lang ang mga bakuna dahil kung hindi ito maituturok sa mga tao, walang makikinabang. Ang masaklap pa, tapon lang ang binili o donasyong bakuna.


Kung tutuusin, hindi nagkulang sa paalala at babala ang mga kinauukulan, kaya kung may masasampolan, dapat lang ‘yan para maturuan ng leksiyon.


Umpisa pa lang, dapat alam n’yo na ang inyong responsibilidad dahil hindi lamang gobyerno ang nagtiwala sa inyo, kundi maging ang inyong nasasakupan.


Bilang lider, tungkulin ninyong manguna sa mga proyekto ng pamahalaan laban sa pandemya, ‘wag kayong natutulog sa pansitan.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page