Nagpa-doktor sa pag-iisip… IWA, UMAMING BIPOLAR
- BULGAR

- Jun 10
- 2 min read
ni Beth Gelena @Bulgary | June 10, 2026

Photo: Iwa Moto - FTWBA
Muling nagbalik sa telebisyon si Iwa Moto matapos ang mahabang panahon at naging bukas sa pagbabahagi ng kanyang pinagdaanang mental health journey sa panayam kay Boy Abunda sa Fast Talk with Boy Abunda (FTWBA).
Ayon kay Iwa, nagsimula siyang humingi ng propesyonal na tulong noong 2017. Ibinunyag niya na na-diagnose siya ng bipolar disorder, severe panic attacks, at post-traumatic stress disorder (PTSD).
Inamin niyang noon ay inakala niyang pagiging impulsive lamang ang dahilan ng kanyang mga pinagdaraanan.
Sa kabila ng mga pagkakamali sa nakaraan, sinabi ni Iwa na marami siyang natutunan mula sa mga ito at patuloy siyang lumalaban sa mga pagsubok.
Ang kanyang kasalukuyang motto ay “Kung ikaw ay may masamang araw, masamang araw lamang ‘yun, ‘di masamang buhay.”
Kasama rin niya sa programa ang panganay nilang anak ni Pampi Lacson. Bagama’t may interes umano ang kanilang anak na pumasok sa showbiz, nais muna ni Iwa na matapos nito ang pag-aaral.
Bukod dito, ibinahagi rin niya ang tungkol sa annulment ng kanyang kasal sa dating asawa na si Mickey Ablan at ang plano nilang pagpapakasal ni Pampi sa taong 2028.
Kahit anak ng Superstar…
MATET, PROUD NA MALAKI ANG KINIKITA SA LIVE SELLING NG CORNED BEEF
NILINAW ni Matet de Leon ang mga puna ng ilang netizens na nagtatanong kung bakit siya nagla-live selling sa social media sa kabila ng pagiging anak ng yumaong Superstar Nora Aunor.
Sa podcast ni Kara David na I-Listen, ipinaliwanag ni Matet na hindi alam ng marami na malaki ang talent fee (TF) na natatanggap niya sa ganitong trabaho.
“‘Di nila alam, magkano ang bayad sa akin. ‘Pag tinda ay corned beef, naku, ‘day! Nakakaloka, mahal, mataas ang TF ‘pag ganu’n, kasi may pangalan din ang produkto at sikat ‘yun,” ani Matet.
Ikinuwento rin niya na nagsimula ang lahat nang hikayatin siya ng TikTok (TT) at kalaunan ay may isang ahensiya na kumuha sa kanya upang magbenta ng iba’t ibang produkto kapalit ng magandang TF at porsiyento sa benta.
Ayon sa aktres, masaya siya sa kanyang ginagawa at wala siyang nakikitang masama rito.
Sey ni Matet, “Super happy ako. May magandang TF at may percentage pa.”
Naalala rin niya ang isang pagkakataon na napaiyak siya habang nagla-live selling matapos makatanggap ng masasakit na komento mula sa ilang netizens, kabilang ang pagbanggit sa pagkamatay ng kanyang ina.
Aniya, “Kamamatay lang ng nanay ko nu’n. Nagawa ko pa ring magtrabaho. Pero nang mabasa ko ang ganu’ng komento, du’n ako bumigay.”
Sa kabila nito, natatawa na lamang umano siya sa mga nagsasabing nagbebenta na lang siya.
“Marangal na trabaho ang pagla-live selling at nabubuhay naman kami araw-araw dahil dito,” diin niya.
Sa nasabing podcast, tinalakay din ni Matet ang kanyang karanasan bilang child star at bilang isa sa mga inampon nina Nora Aunor at Christopher de Leon.
Ang nag-iisang biological child ay si Ian de Leon, habang sina Lotlot, Matet, Kenneth at Kiko ay inampon nina Nora at Boyet.
Madalas nga raw niyang hindi nakakasama ang Superstar bata pa lang siya dahil super busy ito sa showbiz.





Comments