Kahit nalulugi, go pa rin… MANONG CHAVIT, UMAMING NAUUBOS ANG DATUNG SA MGA BEAUTY QUEENS

ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | September 28, 2026

Photo: FB Luis Chavit Singson
Bilang co-producer ng GMA Pictures sa pelikulang Red Crown (Queen of the Islands), lahat ng suporta ay handang ibigay ni Manong Chavit Singson upang maging successful ito.
Mga naggagandahang celebrities at beauty queens ang kinuha upang maging bahagi ng pelikula. Isang malaking beauty pageant ang magaganap kung saan P25M ang tatanggaping premyo ng mananalong Queen of the Islands.
Mapapanood dito ang lahat ng pagdaraanang training at pagsubok ng mga contestants.
Ang ilan sa mga bibida ay sina Michelle Marquez Dee (MMD), Ahtisa Manalo, Sanya Lopez, Shuvee Etrata, Ashley Ortega, Faith da Silva, Ara Arida, Herlene Budol, Skye Chua atbp..
Well, sanay si Chavit sa paghawak ng mga beauty pageants dahil minsan na siyang nag-produce ng Miss Universe. Kaya handa niyang gastusan ang RC para mapanood ng ating mga kababayan na mahilig sa ganitong patimpalak.
Excited na nga siya kahit nalulugi na raw sa mga investment niya sa paggawa ng pelikula, na okay lang sa kanya.
“Puro beauty queens ang kinuha ko dahil natutuliro ako ‘pag magagandang babae,” pabirong pag-amin ni Manong Chavit.
‘Di si Albert na first BF niya…
SNOOKY, UMAMING SI MIGUEL RODRIGUEZ ANG GREATEST LOVE
Hindi pala si Albert Martinez ang greatest love ni Snooky Serna, kundi ang yumaong aktor na si Miguel Rodriguez.
Unang naging magka-love team noon sina Snooky at Albert during their Regal days. Ilang pelikula rin ang kanilang pinagtambalan at nauwi sa totohanang relasyon ang pagiging malapit nila sa isa’t isa. Pero hindi sila meant for each other.
Si Liezl Sumilang, na anak ni Amalia Fuentes, ang napangasawa ni Albert Martinez. At si Snooky ay umibig na rin sa iba.
Well, hindi open sa publiko ang naging relasyon ni Snooky kay Miguel, kaya marami ang nagulat nang aminin niya kay Boy Abunda na ito ang kanyang greatest love.
Ang alam ng lahat ay si Albert ang unang minahal niya. Muntik na nga silang magtanan noong ginagawa nila ang isang Regal movie.
Makulay ang naging love life noon ni Snooky. Dumaan din siya sa mga kabiguan sa pag-ibig. Ngayon ay tahimik at masaya na siya.
Maraming viewers ng The Master Cutter (TMC) ang nag-aalala at nakikiusap sa production na sana naman ay huwag munang patayin ang character ni Jennylyn Mercado na gumaganap bilang si Olga.
Siya ang nagpapanggap na nanay ni Ibyang (Sienna Stevens).
Natutunan na ni Olga na mahalin si Ibyang. Sana raw, kahit pumasok na si Marian Rivera sa Season 2 ng TMC ay maging bahagi pa rin ng serye si Jen.
Samantala, labis namang ikinatuwa ng buong cast ang pagkakaroon ng pangalawang season ng MC.
‘Di lang si Vice Ganda…
ECHO AT JANINE, MAPAPANOOD NA RIN SA TV5
Ipinasilip na ang serye nina Jericho Rosales at Janine Gutierrez na mapapanood sa TV5 simula sa October 5, ang The Loyalty Game.
Kaya marami ang nagtatanong kung pumirma na rin ba sila ng kontrata sa Kapatid Network o collab lang ito ng ABS-CBN?
Maging sina Jolina Magdangal at Marvin Agustin ay may show na rin sa TV5, ang Mommy Guard na ipapalabas na ngayong Oktubre.
Well, parami nang parami ang mga malalaking artista na naglilipatan ngayon sa TV5.
Maging si Vice Ganda ay may dalawang taong partnership na rin sa MediaQuest, na kinabibilangan ng mga proyekto sa TV5, pero mananatili pa rin siyang host ng It’s Showtime.
May mga shows ang ABS-CBN na sa TV5 din ipinapalabas ngayon.
Wala na ngang network war, kaya malaya na ang ibang artista na makatawid sa ibang network. Nagkakaroon sila ng chance na makatrabaho ang mga artista ng ibang network at wala nang kampihan, inggitan at professional rivalry.
Lahat ay nabibigyan ng chance na magkaroon ng trabaho.





Comments