top of page
Search
  • BULGAR

Nagmatigas, 'di nagsori… SABRINA, IDEDEMANDA NG FANS NI CLAUDINE

ni Melba R. Llanera @Insider | July 26, 2023




Kinlaro sa amin ni Atty. Ferdinand Topacio, malapit na kaibigan at abogado ni Claudine Barretto, sa nakaraang 38th Star Awards for Movies na hindi ang aktres ang may balak na magsampa ng demanda laban kay Sabrina M. kundi ang mga Claudinians o masusugid na tagahanga ni Claudine.


Ayon kay Atty. Topacio, tapos na ang tatlong araw na palugit na ibinigay nila sa sexy actress para bawiin nito ang pahayag na naging magkasintahan sila ni Rico Yan sa loob ng mahigit dalawa’t kalahating taon at alam ito mismo ni Claudine.


Ikinuwento rin sa amin ni Atty. Topacio na pinaghanda na rin niya ang mga Claudinians ng mga ebidensiya na magpapatunay na wala umanong katotohanan ang mga sinabi ni Sabrina.


Pagpapatuloy na sabi pa sa amin ni Atty. Topacio, dalawa ang kaso na maaaring maisampa laban kay Sabrina, cyber libel at moral damages.

Nang kumustahin namin si Claudine, ikinuwento ng abogado-film producer na nainis ang aktres dahil bukod sa pinalabas ni Sabrina na two-timer si Rico ay tila lumabas din na pinayagan pa ni Claudine na dalawa sila.


Para kay Atty. Topacio ay mali ang timeline sa pahayag ni Sabrina na naging sila sa loob ng mahigit dalawang taon dahil naghiwalay sina Rico at Claudine nu’ng Disyembre 2001, pero hanggang namatay ang aktor nu’ng Marso 2002 ay magkasama pa rin sila sa iisang bubong at sinusubukang ayusin ang relasyon nila.


Sa isyu naman na may balak din daw na magsampa ng kaso si Sabrina, para kay Atty. Topacio ay wala siyang maikokomento tungkol dito at karapatan naman ng sexy actress kung gusto nitong magsampa ng demanda.


Para sa abogado, ang dapat lang gawin ni Sabrina ay humingi ng tawad at sabihing nagkamali siya at dito ay matutuldukan na ang lahat, lalo’t nakiusap na rin ang ina ni Rico na patahimikin na sana ang kaluluwa ng anak na dalawampu’t isang taon nang yumao.


Sa kabilang banda, bukod sa pagiging isang abogado ay tuluy-tuloy pa rin ang pagiging movie producer ni Atty. Topacio. Isang pelikulang One Dinner A Week na pagbibidahan nina Claudine at Edu Manzano ang nalalapit na nilang umpisahan at matutuloy na rin ang shooting ng pelikulang Spring In Prague sa Prague na naudlot dahil nagkaroon ng problema sa visa ang isa sa mga supporting ng pelikula, pero naayos na nga ito ngayon.


Ngayong sumisigla na naman ang movie industry kung saan unti-unti ay naeengganyo nang mag-produce ang ilang producers sa panahong ito, ang hiling lang ni Atty. Topacio ay matapos na rin sana ang pulitika sa showbiz, lalo na sa mga film festivals kung saan ‘di pa rin umano nawawala ang palakasan at favoritism.


0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page