Naglalaway na naman ang mga kontratista at buwaya sa trilyones na Pambansang budget
- BULGAR
- Aug 27, 2021
- 2 min read
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | August 27, 2021
BAKUNA ANG MAGLILIGTAS SA MGA PINOY SA LABAN KONTRA COVID-19, HINDI ANG PAGTAKBONG VP NI P-DUTERTE—Ngayong marami na ang gustong magpabakuna, dapat magpokus ang gobyerno na bumili nang bumili ng bakuna at isantabi muna ang pamumulitika, lalo na ‘yung ibinida ni P-Duterte na tatakbo siyang VP.
Sa totoo lang, ang solusyon para maligtas ang mga Pinoy sa COVID-19 ay bakuna, at hindi ang P-Digong for vice-president, period!
◘◘◘
SA LAKI NG 2022 NATIONAL BUDGET, LUNDAGAN NA NAMAN SA TUWA ANG MGA BUWAYANG KONTRATISTA AT BUWAYA—Isinumite na ng Malacañang ang P5.024 trilyong 2022 National Budget.
Sa laki nito, malamang ay naglundagan sa tuwa ang mga “buwayang” kontratista at kasabwat nilang kurakot sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan, buwisit!
◘◘◘
BUDGET SA PALPAK NA NTF-ELCAC, DINAGDAGAN NG MALACAÑANG; BUDGET SA LABAN SA COVID-19, BINAWASAN—Shocked si Sen. Nancy Binay sa kanyang natuklasan sa 2022 National Budget, na dinagdagan ng Malacañang ang budget sa anti-insurgency ng NTF-ELCAC (National Task Force-End Local Communist Armed Conflict), na mula sa dating P16.4 bilyon ngayong taon ay ginawa itong P28 bilyon next year, at binawasan naman ang budget ng RITM (Research Institute for Tropical Medicines) na nagsusuri ng specimen ng mga sina-swab test, na mula sa dating P393 milyon, ngayong 2021 ay ginawa na lang itong P223 milyon next year.
Mantakin n’yo, budget ng NTF-ELCAC na ang pumalpak sa pagre-red-tagged kina Angel Locsin, Liza Soberano at Miss U Catriona Gray ay dinagdagan ang budget, tapos ‘yung RITM na isa sa mga ahensiyang lumalaban sa COVID-19 ay binawasan, buwisit!
◘◘◘
HINDI LAHAT NG PILIPINO AY APEKTADO SA INSURGENCY, PERO SA COVID-19 LAHAT AY APEKTADO—Dapat isalpak ng mga taga-Malacañang sa kanilang kukute na mayoryang Pinoy ay hindi apektado sa insurgency, pero sa pananalasa ng COVID-19 pandemic, lahat ng Pilipino ay apektado, marami na ang namatay, milyun-milyon ang nawalan ng hanapbuhay at naghikahos ang pamumuhay.
Kaya’t dapat mas lakihan ang budget ng mga ahensiyang may kinalaman sa pagtugon sa laban sa COVID-19 para manumbalik na ang normal na pamumuhay ng mga Pinoy, period!





Comments