Nagkasama sa serye noon… KRISTEL, UMAMIN KUNG BAKIT INAYAWANG MAGING BF SI JOHN LLOYD
- BULGAR

- 1 hour ago
- 4 min read
ni Janiz Navida @Showbiz Special | August 9, 2026

Photo: IG _johnlloydcruz83
Matagal natigil sa pag-arte ang dating sexy actress na si Kristel Moreno, pero hindi naman siya totally umalis sa showbiz. In fact, nag-level-up pa nga siya dahil mula sa pagiging dating aktres, ngayon ay producer na rin siya ng indie film, ang Poon kung saan malalaking artista ang bumubuo sa cast ng pelikula tulad ng mga pumanaw nang sina Ronaldo Valdez at Jaclyn Jose, at sina Gina Pareño, Janice de Belen, Lotlot de Leon, Ara Mina, Bembol Roco, JC de Vera, Allen Dizon at marami pang iba.
Pandemic pa nasimulan ang pelikula pero dahil nagkasakit ang Mommy Anna ni Kristel, ang ina muna ang kanyang tinutukan, kaya ngayong taon pa lang maipapalabas ang Poon na mula sa direksiyon ni Adolf Alix.
Bukod sa pagiging producer, direktor din si Kristel ng reality game sa YouTube channel, ang PinaSexy Challenge kung saan tampok bilang mga kalahok ang 8 sexy at palabang content creators-social media influencers na sina Vannesa Raval, Queen Money, DJ Justine Joyce Dayag, Trixie Escosis, Tei Escosis, Aki Mitu, Nikkie Millares, at Eunice Andrea, na haharap sa iba’t ibang masaya, exciting, at kakaibang challenges sa loob ng limang episodes.
Ayon kina Trixie, Aki at DJ Justine, bilib sila kay Direk Kristel dahil grabe raw ang mga naiisip na ipagawa sa kanilang challenge sa PinaSexy Challenge kung saan ‘di nila makalimutan ang mga ipinainom sa kanila na mixture ng kung anik-anik na condiments.
Layunin ng PinaSexy Challenge na maghatid ng bagong klase ng digital entertainment na puno ng saya, kompetisyon, at mga hindi inaasahang tagpo na tiyak na magbibigay-aliw sa mga manonood.
Sa kasalukuyan ay patuloy ang paghahanda ng production team para sa opisyal na paglulunsad ng programa. Hinihikayat ang publiko na abangan ang mga susunod na anunsiyo tungkol sa premiere at iba pang updates sa official social media pages ng PinaSexy Challenge.
Samantala, naalala namin ang dating chika na isa raw si Kristel sa mga niligawan o pinagparamdaman ng interes noon ni John Lloyd Cruz nang magkasama sila sa Betty La Fea serye ng ABS-CBN.
Kaya nang makapanayam namin si Kristel ay ipinalinaw na namin sa kanya ang chismis.
Aniya, hindi naman talaga seryosong ligaw ang nangyari. Parang nag-“da moves” lang nang slight si JLC sa kanya, pero hindi raw kasi ang type ni John Lloyd ang gusto niya at tropa lang ang tingin niya rito, kaya ang ending, hindi nga sila nagkaroon ng relasyon.
At 35 yrs. old, single pa rin daw si Kristel at kuntento naman sa buhay niya ngayon. Hindi raw siya naghahanap ng partner in life. Ang priority niya ngayon ay ang kanyang career at pamilya, bukod sa kanilang mga businesses.
IPINAGDIWANG ng NVP1World Entertainment ang ika-8 anibersaryo nito sa pamamagitan ng isang gala night noong Agosto 8, 2026 sa HK Banquet, Chicago, kung saan pinarangalan ang mga indibidwal na may malaking kontribusyon sa arts, music, humanitarian work, and community service.
Kasabay ng selebrasyon ang pagbabalik ng NVP1World Honor Awards matapos itong pansamantalang natigil noong pandemic. Isinusulong din nito ang mga charitable initiatives sa ilalim ng SMILE WORLD Charities.
Kabilang sa mga pinarangalan ang FAASD Dance Group para sa Excellence in Arts (Dancing) at si Evelyn O. Francia para sa Excellence in Music (Singing). Tumanggap naman si Rosalinda Cañete ng Excellence in Humanitarianism, habang ginawaran si Aurelia Pendon ng Pastor Philip Tan Sr. Lifetime Achievement Award.
Kinilala rin sina Gemma Esmalla at Timotea Ramos bilang Distinct Women of Honor 2026, habang si Aaron Del Mar, kandidato sa pagka-Lieutenant Governor ng Illinois, ay tumanggap ng Distinct Man of Honor. Pinarangalan naman si Margie Par, nurse ng Rush Oak Park Hospital, ng Excellence in Nursing dahil sa kanyang kontribusyon sa mentoring ng mga bagong nurse at pagpapabuti ng patient care.
Ang pinakamataas na parangal na Legion of Honor ay iginawad kay Evelyn Francia matapos siyang mapili sa pamamagitan ng live voting ng mga dumalo. Ibinahagi rin niya ang kanyang unreleased single na Sama Sama Tayo na nakatakdang ilabas sa Disyembre 2026.
Samantala, inanunsiyo ni NVP1World Entertainment founder Nick Vera Perez ang kanyang ika-pitong album na Reminiscing, na naglalaman ng revival songs at nostalgic favorites. Nakatakda rin siyang bumisita sa Pinas sa Mayo 2027 para sa promotional tour ng album.
Patuloy na kinikilala ng NVP1World Entertainment ang mga personalidad na nagbibigay-inspirasyon sa pamamagitan ng kanilang talento, serbisyo, at dedikasyon sa komunidad.
Nagtago sa takot na ipalaglag, nahanap na rin…
NABUNTIS NA SEXY STAR NG GUWAPONG ANAK NG INFLUENTIAL MALE PERSONALITY, NANGANAK NA
BLIND ITEM:
PART 3 na ng ating Blind Item Serye.
Tungkol pa rin ito sa guwapong anak ng influential male personality na nakabuntis ng sexy star na exotic beauty kaya ‘di ma-take ng mudrakels ng ama ng anak.
Ayon sa aming reliable source, nanganak na pala si sexy star at ilang buwan na rin ang unang apo ng influential male personality at ng kanyang misis.
Matagal ding ipinahanap ng mag-asawa ang sexy star na finally, natagpuan nilang nagtago sa bandang Visayas.
Pero ang tanong ngayon, matatanggap ba nila ang kanilang unang apo at isasapubliko kaya ito soon?
Kilalang-kilala sa bansa ang pamilyang ito, kaya marami ang nagsasabing ang suwerte ng sexy star kung tatanggapin nga ang kanyang anak.
Abangan na lang natin ang bonggang kaganapan sa mga susunod na buwan.







Comments