top of page
Linda Walker - Circulated.jpg

Nagkalat ang mga imitasyon, walang tatak at hindi rehistrado...Babala sa mga magulang, mag-ingat sa

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Dec 17, 2021
  • 4 min read

pagbili ng mga laruan ni bagets!


ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | December 17, 2021



Mahabang panahon na hindi nakalabas ng bahay ang maraming bata dahil sa pandemya na bukod sa walang makalaro sa bahay ay wala ring bagong laruan dahil limitado ang budget ng marami at sarado rin ang ilan sa mga toy store.


Pero dahil ilang tulog na lang ay Pasko na, tiyak na maraming magulang, tito, tita, ninang at ninong ang magkukumahog sa pagbili ng laruang ireregalo sa mga tsikiting na sabik na sabik na magkaroon ng bagong laruan tuwing ganitong panahon.


Dagsa na ngayon ang mga laruan sa maraming pamilihan dahil sadyang itinitiyempo ito ng mga negosyante sa panahong hawak na ng marami nating kababayan ang kani-kanilang suweldo, 13th month pay at bonus na sadyang nakalaan para gastusin ngayong Pasko.


Pero dapat tayong maghinay-hinay sa pagbili ng laruan dahil kagagaling lang sa pagdurusa ng mga bata tapos ay mabibigyan pa ng laruang nakalalason o delikado sa kanilang kalusugan ay tiyak na hindi man natin sinasadya ay magdudulot ito ng kapahamakan.


Ito ay matapos magbigay-babala ang consumer at environmental protection group hinggil sa matinding epekto sa kalusugan ng mga bata ang mga ipinagbibiling laruan sa halip na makapagbigay ito ng saya sa kanila.


Ayon sa Laban Konsyumer, Inc. at EcoWaste Coalition, kailangang maiparating ang tamang impormasyon sa mga mamimili hinggil sa kaligtasan ng mga laruang nasa merkado lalo pa at isa ito sa mga pangunahing binibili ngayong Kapaskuhan.


Kailangan umano ng karagdagang pag-iingat sa pagbili ng laruan na ngayon ay bumabaha sa mga pamilihan, partikular ang mga imitasyon, walang tatak at hindi rehistrado base pa sa Chemical Safety Campaigner ng EcoWaste.


Imbes na aliw ang dulot sa mga bata ng biniling laruan ay karaniwang nagtataglay ito ng nakalalasong kemikal at delikado rin sa pisikal na pangangatawan dahil may nasusugatan, nasasakal, naaapektuhan ang mata at tenga bukod pa sa may nabubulunan.


Hindi naman nagkukulang ang pamahalaan sa pagpapatupad ng mga panuntunan para sa mga legal na toymakers, distributors at retailers, ngunit maraming tiwali ang nagbebenta ng laruang hindi pasado sa quality at safety verification kabilang na ang product labelling requirements.


Dapat umanong iwasan ng mamimili ang mga laruang nagtataglay ng hazardous chemicals, partikular ang mga painted toys na karaniwang isinusubo o hindi sinasadyang naisusubo ng batang naglalaro.


Ang madalas na pagkalantad ng bata sa mga laruang nagtataglay ng hazardous chemicals ay nakaaapekto sa kanilang growth at development na nagreresulta pa sa lower intelligence quotient (IQ), poor school performance, reduced attention span, at anti-social behavioral.


Kaya hindi biro ang masamang epekto ng mga laruang naglipana, lalo na sa bangketa at hindi lang ito sa Divisoria at Baclaran laganap dahil sa halos lahat ng pamilihan sa bansa ay naglipana na ang mga laruang ito na karaniwang pinipili ng mga mamimili dahil sa murang halaga.


Sa pag-iikot ng EcoWaste ay may mga laruan silang nakita na may bakas ng heavy metals tulad ng antimony, arsenic, cadmium, at chromium na wala ring product labelling information bilang pagtugon sa Republic 10620, o ang Toy and Game Safety Labeling Act.


Isa pa sa mga dapat tutukan ay ang patuloy pang pagdagsa ng ‘Ukay-Ukay’ sa iba’t ibang bahagi ng bansa na kung dati-rati ay mga lumang damit lamang ang ibinibenta, ngunit ngayon bukod sa sapatos, bag at iba ang gamit ay santambak na ring laruan ang pinagbibili ng mura.


Bukod sa sugunda-manong bisekleta ay may mga ukay-ukay business na rin na talagang ang ipinagbibili lamang ay mga pinaglumaang laruan na lulan ng container van galing sa ibang bansa na ibinabagsak sa mga retailer sa ‘Pinas na halatang dumaan sa Bureau Of Customs (BOC).


Karamihan sa mga laruang ito ay natukoy na positibo sa iba pang harmful chemicals kabilang na ang polybrominated diphenyl ethers (PBDEs) na labis na nakaaapekto sa endocrine o hormone system ng mga bata.


Totoong mabuti ang recycling, partikular sa mga bagay na nakaaapekto sa kalikasan, ngunit maling tangkilikin ang mga recycled toys galing sa ibang bansa na kontaminado ng kung anu-anong kemikal na kalaunan ay makaaapekto sa mga bata.


Ibang usapin kung ngayon tayo mananawagan sa mga ahensiya ng pamahalaan na posibleng makasawata sa mga ilegal at delikadong mga laruan dahil ilang araw na lamang ay Pasko na at panahon na nang pamimili kaya tayo mismo ay dapat mag-ingat na sa ating sarili.


Pero baka sakaling makarating sa tanggapan ng kinauukulan, tulad ng Department of Trade and Industry (DTI), Philippine National Police (PNP) at iba pang ahensiya ng pamahalan ang problemang ito at mabagabag na agad nilang aksiyunan, isang malaking bagay ito para sa kaligtasan ng mga bata.


Sa pagbili ng ligtas na mga laruan ay tingnan ang rekomendadong edad sa product label at piliin ang akma sa edad ng bata, abilidad, hilig at maturity level at tiyaking ligtas at pulido ang pagkakagawa ng laruan kahit mumurahin lamang.


Iwasang bumili ng mga laruang pira-piraso o kakasya sa bibig ng bata upang maiwasang aksidenteng malulon tulad ng holen, laruan na may botones at baterya, maliban na lamang kung nasa tamang edad na ang bata para sa isang partikular na laruan.


Tandaan, mabuti na hindi lahat ng laruan ay puwedeng paglaruan, kahit bigay pa ‘yan ni Santa Claus.


Anak Ng Teteng!


May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page