top of page
SPECIAL - MISTER NI BEA NA SI VINCENT, ‘DI TINANGGAL SA PUREGOLD_IG _beaalonzo.jpeg

Nagda-drive na nang maalala ang mister… KAYE, LUTANG, INIWAN SI PAUL JAKE SA GYM

Writer: BULGAR
BULGAR
15 hours ago
2 min read

ni Beth Gelena @Bulgary | September 22, 2026



BULGARY - KAYE, LUTANG, INIWAN SI PAUL JAKE SA GYM_IG _pauljake_castillo

Photo: IG _pauljake_castillo



Nakakatuwang eksena ang ibinahagi ni Kaye Abad matapos niyang hindi sinasadyang maiwan sa gym ang asawang si Paul Jake Castillo.


Habang pauwi na siya at nagmamaneho, tumawag si Paul Jake at nagtanong, “Nasaan ka?”


Sumagot si Kaye na pauwi na siya galing gym. Pero habang nag-uusap sila, doon niya na-realize na magkasama pala sila at naiwan niya roon ang mister.


Kaya naman napasabi siya ng “Hala! Nagkuyog man diay ta sa gym noh? Sige sige, balikon tika ron (Magkasama pala tayo sa gym, ‘no? Sige, sige, babalikan kita ngayon).”


Agad nga siyang bumalik para sunduin ang mister.


Hindi naman pinalampas ni Kaye ang sarili niyang pagkakamali at biniro pa ito sa kanyang caption: “Kanang grabe na ang brain fog mo! (Grabe na talaga ang pagiging makakalimutin mo!) #menopausalsymptoms.”


Matagal nang bukas si Kaye sa kanyang buhay-pamilya at sa desisyon niyang unahin ang pagiging misis at ina matapos na pansamantalang lumayo sa showbiz.


Ilang beses nang sumailalim si Kaye sa anesthesia dahil sa mga naging operasyon niya. Matapos ang kanyang cancer treatment, idineklara siyang cancer-free ng kanyang doktor. 


Kaya naman, ang simpleng pagkakamaling ito ng dating aktres ay naging nakatutuwang bahagi na lamang ng kanilang buhay-mag-asawa.





JOROSS, 22 YRS. NA SA SHOWBIZ, SAKA LANG NAGBIDA SA MOVIE



Mahigit dalawang dekada na sa showbiz si Joross Gamboa, pero ngayong 2026 lamang niya naranasan ang isang mahalagang milestone — ang magbida sa isang full-length film, ang Wantawsan.


Nagsimula ang showbiz journey ni Joross noong 2004, nang maging bahagi siya ng unang season ng Star Circle Quest (SCQ). Nagtapos siya bilang 2nd runner-up sa talent search na nagsilbing daan para makapasok sa mundo ng showbiz.


Mula noon, unti-unti niyang nabuo ang kanyang pangalan sa industriya. Dumaan siya sa iba’t ibang proyekto sa telebisyon at pelikula, nakatrabaho ang mga de-kalibreng artista, at nakilala sa kanyang kakayahang magbigay-buhay sa iba’t ibang karakter.


Sa pelikulang Wantawsan, siya ay gumaganap bilang Chito, isang ama na tumatanggap ng P1,000 mula sa bagong halal na mayor na sinuportahan niya. Balak niyang gamitin ang pera para makabili ng pagkain para sa birthday ng kanyang anak, ngunit nauwi sa mas kumplikadong sitwasyon ang isang simpleng birthday errand.


Ang pelikula ay napapanahon sa nangyayari sa gobyerno. Ginagamit ang sitwasyon ng isang ordinaryong ama para talakayin ang responsibilidad, pagpapahalaga at mga desisyong kailangang gawin kapag limitado ang mayroon ka.


Malaking responsibilidad kay Joross na magbida sa pelikulang isinulat at idinirehe ni Joseph Abello. Kasama sa pangunahing cast sina Zion Cruz, Rita Daniela at Alwyn Uytingco.


Mapapanood ang Wantawsan bilang bahagi ng Puregold CinePanalo Film Festival 2026 na gaganapin mula Setyembre 23 hanggang Oktubre 4, 2026 sa mga piling sinehan.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page