Nagbebenta ng pekeng medical certificate, nasampulan
- BULGAR

- Apr 25
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | Apr. 25, 2025

Sa kagustuhan marahil na kumita ng pera, na sa kahit na anong paraan ay magagawang makapanloko ng kapwa, at hindi na alintana ang posibleng masamang mangyari pagkatapos nito.
Ganyang siguro ang naisip ng isang 22-anyos na lalaki na inaresto ng mga otoridad dahil umano sa pagbebenta ng pekeng medical certificate sa Pasay City at paggamit sa pagkakakilanlan ng isang doktor.
Ayon kay PLt. Wallen Arancillo, spokesperson ng Philippine National Police-Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG), ibinebenta ng naturang lalaki ang pekeng medical certificates online sa halagang P200, habang siya rin ang nagde-deliver nito kapag nagkasundo na sa transaksyon. Nabatid din ng PNP-ACG na kasintahan ng lalaki ang relative ng doktor na nakasulat sa mga pekeng medical certificate.
Sinabi ni Arancillo na online na nag-iisyu ito ng medical certificate, sealed at signed din ang mga nasabing dokumento. Aniya, ang mga binibigyan o iniisyuhan ng lalaki ng medical certificate ay hindi talaga nakapunta sa mismong klinik para sumailalim sa laboratory o anumang physical examination.
Iginiit naman ng opisyal na pinag-aaralan na ng pulisya ang insidente dahil sa kilala ng lalaki ang doktor na biktima, at inaalam na nila kung paano ito nagkakaroon ng med cert. Gayundin aniya, may koneksyon sa personnel o staff ng doktor ang lalaki.
Sa ngayon ay nasa kustodiya na ng mga otoridad ang naturang lalaki na posibleng maharap sa patung-patong na mga kaso.
Dati na ring namayagpag ang ganitong klase ng pang-i-scam na sandaling nahinto pero heto’t umaarangkada na naman.
Tiyak na marami nang nabiktima at naisyuhan ng pekeng medical certificate na ‘yan kaya dapat na kumilos ang kinauukulan upang ito ay maresolbahan.
Payo lang natin sa mga kababayan at sa mga doktor na maging mapanuri. Huwag magtiwala sa mga online med cert lalo na’t hindi naman talaga mismong nagpagamot o nagpatingin sa mga doktor.
Madalas na biktima niyan ang mga nag-a-apply ng work dahil isa ito sa mga requirements upang makapasok sa trabaho.
Maraming clinic o kahit sa public hospital na lamang pumunta para makasigurong mabibigyan ng tamang medical certificate. At sa ating mga doktor, alamin munang mabuti ang pagkakakilanlan ng kukuning personnel o staff bago tanggapin nang sa gayon ay hindi naman madawit ang inyong pangalan sa anumang scam nang dahil sa tauhan.
Sa mga pasaway nating kababayan, tigilan na ang mga panloloko. Maaaring hindi kayo mahuli sa ngayon subalit darating ang panahon na matatapos ang lahat ng masasamang gawain at siguradong himas-rehas ang inyong kapupuntahan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com








Comments