Nagbebenta ng COVID-19 vaccine slot, dapat nang masampolan
ni Ryan Sison - @Boses | May 23, 2021
Matapos ang ulat ng umano’y bentahan ng COVID-19 vaccine slot sa Taguig, agad na nagbigay-babala ang lokal na pamahalaan na ilegal ang gawaing ito, pero tila hindi pa rin natinag ang ilan nating kababayan.
Kaugnay nito, viral ngayon ang screenshots ng usapan kung saan ibinebenta ang vaccination slots ng LGU ng Mandaluyong para maturukan ng gustong brand ng bakuna.
Ang siste, puwedeng maturukan ang kahit sino depende sa brand ng bakuna, gayundin kahit hindi residente ng naturang lungsod.
Ayon sa concerned citizen, inalok sa kanya ang Pfizer vaccine sa halagang P15,000 pero ginawa itong P12,000 bilang “presyong kaibigan". Ang slot naman para sa AstraZeneca vaccine, ibinebenta ng P10,000. Gayundin, ipinakita pa umano sa kanya ang resibo ng mga nagbayad para sa slot.
Samantala, nakarating na ang impormasyong ito sa Department of the Interior and Local Government (DILG) at pinaiimbestigahan na. Kasabay nito ang pangako na mahigpit na ipatutupad ang batas laban sa mga sangkot sa bentahan ng vaccination slots. Dagdag pa ng ahensiya, patung-patong na kaso ang puwedeng isampa sa kanila.
Sa kabila ng babala at paalala, nangyari na naman ang bagay na iniiwasan natin. Para bang walang kadala-dala ang mga kawatan at hangga’t may pagkakataong manloko, talagang gagawa ng paraan.
Paalala sa publiko, sa ngayon, gobyerno lamang ang maaaring magbigay ng bakuna at hindi ito kailangang bayaran. Kapag may nag-alok ng slot, ‘wag basta maniwala. Tiyakin muna kung tauhan ba ito ng inyong lokal na pamahalaan at ‘pag sinabing may kailangang bayaran, magduda na kayo.
At kayong mga masasamang-loob, tigil-tigilan n’yo na ‘yan, pero kung hindi kayo madadaan sa mga pakiusap at babala, pasensiyahan na lang. Napalaki nang hamon ng pandemya para sa gobyerno, at ngayong nagsulputan kayo, dagdag pa kayo sa sakit ng ulo.
Panawagan naman sa taumbayan, ang tangi nating magagawa ay maging mapanuri upang wala nang mabiktima ang mga kawatan at matuldukan ang ganitong gawain.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments