Nagbebenta ng COVID-19 test kit online, aksiyunan!

ni Ryan Sison - @Boses | March 6, 2021
Iba’t ibang produkto ang mabibili natin online.
Mula sa mga pagkain, mga gamit sa bahay at kung anu-ano pa, ‘ika nga, isang click lang ay puwede nang mabili. Pero paano kung pati ang COVID-19 test kits ay ibinebenta na rin online?
Kamakailan, aabot sa 200 kahon ng test kits na nagkakahalagang P1 milyon ang nabuking ng mga awtoridad sa Navotas City. Napag-alaman ding ibinebenta online ang mga nakumpiskang test kits mula sa Chinese trader at isang Pinoy na umano’y kasabwat nito.
Samantala, muling nagpaalala ang mga awtoridad laban sa paggamit ng hindi rehistradong test kits dahil maaari umano itong magdulot ng panganib sa kalusugan.
Nakadidismaya dahil kababayan pa natin ang kasabwat sa ganitong gawain. Kung gusto ninyong kumita, gawin n’yo ‘yan sa malinis na paraan at ‘wag idaan sa ilegal.
Malamang, may dahilan kaya hindi awtorisadong gamitin ang mga ito. Posibleng hindi tugma ang resulta, na tiyak na may masamang epekto, hindi lamang sa gumamit kundi pati sa ibang tao.
At isa pa, baka hindi natin alam, positibo na pala sa sakit ang nagpa-test, pero iba ang sinasabi ng resulta.
Sana’y magsibi itong paalala at babala sa bawat isa na hindi tayo basta-basta dapat gumamit ng COVID test kit. Hindi porke mura at nabibili online, gagamitin na natin. Kaya sa halip na gamitin, ipagbigay-alam sa mga awtoridad para maaksiyunan at hindi na dumami pa ang gumagawa nito.
Kung naniniwala tayong mahalaga ang opinyon o suhestiyon ng mga eksperto, makinig din tayo.
At kayong mga kasabwat pa, hintay lang dahil may kalalagyan din kayo. Napakarami nang problema ng bansa, hayan at dumaragdag pa kayo.
Sa panahon ng pandemya, kailangang kontrolado natin ang mga produktong pumapasok sa bansa, lalo na kung maaari itong magamit sa ilegal.
Kaya panawagan sa mga awtoridad, maging alerto tayo. Galaw-galaw para hindi madawit ang ‘Pinas sa mga ginagawang ilegal ng mga dayuhan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments