Nagbalik-iskul lang, naka-jackpot pa… MAYMAY, SUPER-HAPI DAHIL KASAMA ANG BF SA CANADA
ni Beth Gelena - @Bulgary Files | March 10, 2022

Kasalukuyang nasa Canada pa rin si Maymay Entrata para tuparin ang pangarap niyang doon makapag-aral.
Desidido ang Kapamilya young actress-singer na tuparin ang isa sa matagal niyang pangarap — ang makapagtapos ng pag-aaral.
Ayon kay Maymay, matagal na niyang planong ipagpatuloy ang pag-aaral at makakuha ng college diploma.
Nagbigay ng bagong update si Maymay sa mga kaganapan sa kanya sa Canada.
“Ang buhay ko rito sa Canada ay masayang-masaya. Kasi matagal ko na po talagang pinlano na mag-study abroad. At alam ‘yan ng nanay ko kahit hindi pa po ako artista. Tapos, ayun na nga, nangyari na siya, kaya sobrang masaya po sa pakiramdam,” pahayag ng former Big Winner ng Pinoy Big Brother Teen Edition.
Maging ang love life ni Maymay ay kanyang ibinalita. Aniya, naging extra special ang love month para sa kanya dahil nakasama niya ang non-showbiz boyfriend niya.
Last Valentine's Day ay ipinost ng actress-singer ang non-showbiz boyfriend sa kanyang socmed account.
“Ang buong February ko ay masayang-masaya po. ‘Yung puso ko ay masaya, siyempre, kasama ko ang special sa puso ko.
“Tapos, isa na rin siguro dahil itong February na ito, marami sa pamilya ko ang nag-birthday kaya grabe, punumpuno ng selebrasyon,” sambit pa ng dalaga.
Matatandaang noong Araw ng mga Puso ay ginulat ni Maymay ang kanyang mga fans at social media followers nang ibalandra niya ang larawan nila ng boyfriend na nilagyan niya ng caption na, “Valentino.” Although, hindi niya pinangalanan ang guy.
Samantala, hanggang ngayon ay umaalagwa ang single ni Maymay na Amakabogera.
Nagpasalamat siya sa kanyang mga fans dahil nakakuha na ng mahigit 12 million views ang music video sa official YouTube channel ng Star Music.





Comments