Nagbabaga na ang bakbakan ng Iloilo at Mendiola sa PFL
- BULGAR

- Nov 7, 2020
- 2 min read
ni Anthony Servinio - @Sports | November 7, 2020

Nagulantang ang ika-apat na araw ng 2020 Philippines Football League (PFL) hatid ng Qatar Airways matapos maglaban ang bigating Kaya Iloilo at Mendiola 1991 sa isang mainitang 0-0 tabla Biyernes ng umaga sa Philippine Football Federation (PFF) National Training Center Biyernes ng umaga. Dahil sa resulta, biglang nagbukas ang pinto para sa lahat ng anim na koponan na makuha ang ginto, pilak at tanso.
Dominado ng Kaya ang laro at mas matagal nilang kontrolado ang bola subalit nahirapan silang ipasok ito. Ipinamalas ng Mendiola ang kanilang pinakamahusay at matatag na depensa ng torneo na naka-angkla kay goalkeeper Kenry Balobo lalo na sa dinagdag na limang minuto matapos mapaso ang unang 90 minuto.
Maaaring makuha agad ng naghihintay na walang talong United City ang kampeonato sa kanilang laro kontra sa Stallion Laguna na tinatapos habang sinusulat ito. Ang pag-asa ng Kaya ay depende kung tatabla o magwawagi ang Stallion sa UCFC.
Kung sasagutin ang kanilang dasal, maghaharap ang Kaya at UCFC ngayong Lunes (Nob. 9) para sa kampeonato sa kanilang mga huling laro. Papasok sa laban ang Stallion, may siyam na puntos ang UCFC, lamang ng isa sa walo ng Kaya.
Ito na rin ang pangalawang sunod na tabla ng Kaya matapos magtabla 1-1 sa Stallion noong Nobyembre 3. Hindi din nakakasiguro kung sino ang magtatapos ng pangalawa sa liga at pwede pa ito maagaw ng pumapangatlong Azkals Development Team at Maharlika Manila na parehong may tatlong puntos sa tatlong laro.
Mahalaga ang magtapos sa ikatlong puwesto dahil magsisilbing silang reserbang koponan ito para sa 2021 AFC Cup kung sakaling makapasok ang pumangalawa sa 2021 AFC Champions League. Tanging ang kampeon ng 2020 PFL ang nakakasigurado na kalahok sa ACL.





Comments