top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Nagasgasan ang sasakyan dahil sa nahulog na halaman ng kapitbahay

Writer: BULGAR
BULGAR
Aug 11, 2022
2 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | August 11, 2022


Dear Chief Acosta,


Nakita kong may gasgas ang aking sasakyan dahil nahulog ang halaman ng aking kapitbahay mula sa terrace nito. Walang gustong managot sa naturang pinsala kaya nais kong malaman kung sino ang mananagot alinsunod sa batas. - Bok


Dear Bok,


Ang sagot sa iyong katanungan ay matatagpuan sa Artikulo 2193 ng Civil Code of the Philippines, kung saan nakasaad na:


“Art. 2193. The head of a family that lives in a building or a part thereof, is responsible for damages caused by things thrown or falling from the same.”


Ayon sa nabanggit na probisyon ng batas, ang pinuno ng isang pamilya na nakatira sa isang gusali o bahagi nito ay responsable para sa mga pinsala na dulot ng mga bagay na itinapon o nahulog mula rito. Ang obligasyong ito ay kaugnay sa probisyon na ang sinumang makapipinsala sa iba dahil sa kanyang kasalanan o kapabayaan ay mananagot para rito. Kung walang kasunduan ang mga sangkot na partido, ito ay itinuturing na quasi-delict alinsunod sa Artikulo 2176 ng parehong batas.


Ang responsibilidad ay mananatili maliban na lamang kung maipakikita na nagsagawa ng karampatang pag-iingat ang taong may pananagutan. Kung hindi sinabi ng batas ang pag-iingat na dapat gawin, ang pag-iingat ng mabuting ama ng pamilya (diligence of a good father of a family) ang siyang magiging basehan alinsunod sa Artikulo 1172 ng parehong batas.


Samakatuwid, ang pinuno ng pamilya ng iyong kapitbahay na nakatira sa gusali, kung saan nahulog ang halaman ay maaari mong panagutin dahil siya ay may pananagutan sa ilalim ng batas para sa mga bagay na itinapon o nahulog mula sa kanyang terrace. Mawawalan lamang siya ng responsibilidad sa nangyari kung mapatutunayan niya na walang kapabayaan sa kanyang parte at ginawa niya ang karampatang pag-iingat para iwasan ang nangyaring insidente.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang inyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa impormasyon na inyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng inyong salaysay.


Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page