top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Nag-e-enjoy ang mga buwaya kaya imposibleng mawala ang korupsiyon! Tsk!

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Nov 2, 2020
  • 2 min read

ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan | November 02, 2020



Noong simula pa lamang ng kasalukuyang administrasyon, may inilabas ang pangalan ng limang heneral ng Philippine National Police, kung saan sinabing ang mga ito ay may kinalaman sa ilegal na droga. Naimbestigahan ba talaga ang limang pulis? Ano na ang nangyari sa kanila?


Gayundin, nagkaroon ng Congressional Hearing hinggil sa pagkasangkot ni Sen. Leila de Lima sa ilegal na droga noong siya ay kalihim pa ng DOJ.

Hindi malinaw ang nangyari sa limang heneral ng PNP. Ngunit, napakalinaw kung ano ang nangyari sa senadora. Aga’t agad nagkaroon ng Congressional Hearing na sinundan ng imbestigasyon. Sino ang mga inimbestigahan? Ang malalaking isdang nahatulang ikulong dahil sa kanilang pagkakasangkot sa ilegal na droga. Sino ang mga ito? Inmates ng New Bilibid Prison sa Muntinlupa na nasa ilalim ng Bureau of Corrections na nahuling sangkot pa rin sa ilegal na droga sa mga isinagawang raid ng Munti noong kalihim pa ng DOJ ang senadora.

Madaling napaamin at napagawa ng istorya laban sa kanya ang mga naturang inmates. Ayon sa Saligang-Batas, hindi maaaring ilagay sa ilalim ng Witness Protection Program ang sinumang nahatulan. Kung nahatulan na, hindi sila maaaring maging saksi sa anumang kaso.

Ito ang argumento ni Sen. De Lima laban sa paggamit sa 13 inmates ng Munti na naging “State Witnesses” laban sa kanya.

Kamakailan, nagpahayag ang Anti-Money Laundering Council (AMLC) financial investigator Artemio Baculi, Jr. at ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) digital forensic examiner Krystal Casenas na wala silang nakitang anumang transaksiyon o ugnayan si Sen. De Lima at ang 13 drug lords. Halos magtatatlong taon nang nakakulong ang senadora sa kabila ng napakahina o walang ebidensiyang maiharap ang prosekusyon laban sa kanya. Kung ganun, bakit nakakulong pa rin siya?

Ngayon, naghamon ang pamahalaan ng giyera kontra sa mga korup. Ayon kay DOJ Secretary Menardo Guevarra, Bureau of Customs (BOC), Bureau of Internal Revenue (BIR), Department of Public Works and Highways (DPWH), Bureau of Immigration (BI) at Land Registration Agency (LRA) ang pinaka-korup na ahensiya.

Isasagawa ng Mega Task Force ang imbestigasyon. Bubuuin ito ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan. Kailangang-kailangan masawata ang korupsiyon sa pamahalaan. Subalit nagpahayag na rin si DOJ Secretary Guevarra na ito ay “mission impossible” dahil malalim at laganap na ang korupsiyon sa pamahalaan.

Kausap natin noong isang araw ang drayber ng taksi. Aniya, “Matagal na akong hindi bumuboto. Noong huli kong boto, nanalo ang dalawa kong ibinotong pangulo at VP. Ngunit walang nangyari. Pareho pala rin sila ng kanilang pinalitan. Kaya hindi na ako bumuboto. Pare-pareho lang ang mga nakaupo at muling uupo sa darating na eleksiyon. Hindi na magagamot ang korupsiyson. Korup naman silang lahat.”

Sinikap natin siyang kumbinsihin na hindi lahat ng taong-gobyerno ay korup. Sa tingin natin, marami pa ang malinis at nagsisikap na manatiling malinis. Sinikap nating kumbinsihin ang drayber na huwang mawalan ng pag-asa at patuloy na maniwala na kung may gagawin lang, meron pa ring magandang mangyayari.

Bakit ba mahirap tanggalin ang korupsiyon? Napakalalim, napakalawak, napakahirap, may pagka-imposibleng tanggalin ang korupsiyon at ang mga korap…dahil napaka… napaka… sarap maging korup! Tsk!

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page