top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Nabulabog ang social media sa Agimat ng Agila Season 2

Writer: BULGAR
BULGAR
Feb 4, 2022
4 min read

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | February 04, 2022



“Nasaan ang talisman ng dragon? Grabe ba ang tama sa leeg ni Maya, mabubuhay pa ba siya?”


Ilan lang ito sa mga katanungang natanggap natin sa unang araw ng presentasyon ng Agimat Ng Agila Season 2 matapos itong maipalabas noong Sabado ng alas-7:15 ng gabi sa GMA Network na pinuyat ako buong gabi dahil sa dami nang nagtatanong.


Talagang umuusok ang aking social media account dahil marami ang nabigla sa sinapit ni Maya na ginagampanan ni Sanya Lopez na halos maputol ang leeg matapos na tamaan ng matalas na bagay mula sa hindi pa nakilalang salarin.


Sa isang banda ay nakatutuwa rin na napakarami pala talaga ng nag-aabang sa Season 2 ng Agimat Ng Agila matapos na maging matagumpay na pagtatanghal ng Season 1 ay naisip agad ng pamunuan ng GMA Network na sundan dahil sa dami ng mga humihiling.


Kung maganda ang Season 1, mas level-up itong Season 2 dahil mas pinatindi rito ang action, adventure, family drama, fantasy, romance at may comedy din dahil nagdagdag kami ng mga bagong characters at pinulido talaga namin ang mga eksena.


Sa Season 1 kasi ay ordinaryong forest ranger lamang ako bilang si Major Gabriel Labrador na hepe ng Task Force Kalikasan na ipinakita kung paano ako nagkaroon ng agimat na kung may mga bakbakan man ay limitado lamang sa aking kakayahan.


Sa Season 2 ay ibang-iba na dahil sa ipinakikita na pagiging superhero ko dahil sa madalas na paggamit ko ng aking pakpak na parang tunay at aakalain mong foreign movie ang pagkakagawa na tiyak na ikatutuwa ng mga bata na mahilig sa fantasy movie.


Kakaiba ang twist ng Season 2 dahil matindi ang elemento ng fantasy at mas maraming aksiyon na ipinakita talaga ang binusising fight scenes, tulad ng hand-to-hand combat na hindi nakakaumay ang mga bakbakan kumpara sa mga ordinaryong fight scene.


Grabe ang preparasyon ko sa pagganap bilang si Major Labrador dahil nagpakondisyon talaga ako dito, halos araw-araw ang workout ko kasi nga hindi naman na tayo bumabata, pero mapapansin talaga ninyo ang ipinagbago ng aking pangangatawan.


Mapapansin n’yo naman kumpara sa Season 1 ay mas detalyado ang mga muscles ko ngayon dito sa Season 2 dahil hindi ako pumayag na hindi handa lalo pa at mahuhusay na mga batang stuntmen na ang ating mga kaeksena na ang bibilis kumilos.


Bale kombinasyon ng boksing at kickboxing ang fitness routine ko, kaya pati ‘yung rolling o tamang paggulong ay pinagdaanan ko uli sa training at hindi natin maiiwasan dahil sa mabibigat na action scene at bawat eksena ay kailangan talaga ng kumpletong stretching para hindi mabalian.


Mabigat talaga ang physical requirements para gampanan ang role ni Major Labrador dahil bukod sa maraming action sequences ay marami ring explosions na talagang pinaghandaan namin ni Direk Rico Gutierrez, na kadalasan ay nakakaanim na sequences lang kami sa isang araw dahil nga sa gusto talaga naming pagandahin.


Ito lang kasi ang paraan para mahigitan namin ang ganda ng pagkakagawa ng Season 1 na kung sinuportahan ito ng GMA kaya naging matagumpay ay mas doble rin ang ibinigay nilang suporta sa Season 2.


Nandito ang bagong karakter sa Agimat ng Agila na si Gardo Versoza na gumanap bilang si Zeus Limjoco, nandito na rin Rabiya Mateo, Miss Universe Philippines 2020 na gaganap naman bilang si Agent Asha Raj na bago kong leading lady.


Mas tumindi naman ang mga eksena namin dito ni Sanya na gumanap bilang si Maya Lagman na isang matapang, ngunit mapagmahal na ampon na naging mas malapit na dito sa Season 2 kay Major Labrador at medyo level-up na rin ang mga pagsubok sa kanilang relasyon.


Ngayon kung husay sa pag-arte ang pag-uusapan sa pagitan nina Rabiya at Sanya ay masasabi kong pareho silang magaling at may kani-kanya lamang estilo sa atake, pero nagulat ako kay Rabiya dahil para sa baguhan ay napakahusay na niya.


Pinuri nga siya ni Direk Rico dahil bukod sa mahusay siyang umarte ay kayang-kaya pa niyang makipagsabayan sa aksiyon, hindi malayo na maging queen of action si Rabiya at matalino dahil handang-handa siya palagi bago sumalang sa eksena.


Siyempre, iba naman si Sanya dahil naging bida na ito sa First Yaya ng GMA Network na nakaranas na mga eksena sa malalaking artista na kung karanasan ang pag-uusapan ay medyo malayu-layo na ang narating kaya hindi rin ito nagpatalo.


Kaya nga ‘yung huling eksena ni Sanya sa nakaraang episode ng Agimat ng Agila na tinamaan siya ng matalas na bagay sa leeg ay tumagos sa mga manonood ang kanyang pagganap na naghahabol siya ng hininga kaya marami ang nagtatanong kung ano lagay niya bilang si Maya.


Dahil din sa sunud-sunod na kaguluhan na likha ng masasamang loob ay tila malaki ang kinalaman ng ‘talisman ng dragon’ sa mga pangyayari dahil nabanggit na ito sa ilang eksena kaya marami rin ang nagtatanong kung nasaan ito.


Kaya sa napakaraming nagpadala ng message sa social media ay makabubuting abangan n’yo na lamang bukas ganap na alas-7:15 ng gabi, Sabado sa GMA Network para masagot ang inyong mga katanungan.


Anak Ng Teteng!


May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page