Nabuhay ang dugo ng Lakers, nakapanalo rin Vs. Nuggets
- BULGAR
- Nov 1, 2022
- 2 min read
ni Anthony E. Servinio - @Sports | November 1, 2022

Tapos na ang pagtitiis ng Los Angeles Lakers at nakamit ang pinakaunang tagumpay laban sa bisitang Denver Nuggets, 121-110, sa NBA kahapon sa Crypto.com Arena.
Sinigurado ng Lakers na hindi mababahiran ang gabi kung saan pinarangalan nila ang kanilang alamat na si George Mikan sa pag-retiro ng kanyang numero 99.
Kontrolado ng Nuggets ang laro bago biglang nagising ang Lakers sa huling minuto ng 3rd quarter at maagaw ang lamang papasok sa huling quarter, 93-85. Mula roon ay nagtrabaho sina Anthony Davis at LeBron James para sa pinagsamang 11 puntos at lumobo ng 13 ang lamang, 113-100, sa dunk ni Lonnie Walker IV na may 4:47 nalalabi.
Saglit pumalag ang Denver ngunit ibinalik ng mga free throw sa huling minuto nina James at Russell Westbrook ang agwat sa 13 at ihinto ang kanilang sunod-sunod na talo sa lima. Nanguna si James sa kanyang 26 puntos at double-double si Davis na 23 puntos at 15 rebound.
Itinuturing ang 6’10” na si Mikan na unang superstar sentro ng NBA sa kanyang karera mula 1948 hanggang 1956 para sa noon ay Minneapolis Lakers. Nahalal siya bilang kasapi ng Basketball Hall of Fame noong 1959 at bahagi ng NBA 75th Anniversary Team.
Pumanaw si Mikan noong 2005 sa edad na 80.
Ginamit muna ng Los Angeles Clippers ang palaruan sa hapon subalit naagaw ng bisitang New Orleans Pelicans ang panalo, 112-91. Bumanat ng 14 ng kanyang 22 puntos sa second half si CJ McCollum at sinuportahan ni Zion Williamson na may 21 puntos.
Ginulat ng Detroit Pistons ang World Champion Golden State Warriors, 128-114, sa likod ng mainit na second quarter. Hindi na nila pinaporma ang Warriors at nagtapos si Saddiq Bey na may 28 puntos habang may 24 puntos at 13 rebound si Isaiah Stewart.
Tahimik na umakyat sa pangalawa sa Eastern Conference ang Cleveland Cavaliers matapos daigin ang New York Knicks, 121-108. Sa ibang mga laro, nagwagi ang San Antonio Spurs sa Minnesota Timberwolves, 107-98.




Comments