Nabudol sa Uganda, na-trauma… HERLENE, AYAW PAALISIN SA HOTEL, HINABOL NG MGA ARMADONG LALAKI
- BULGAR
- Dec 5, 2022
- 2 min read
ni Beth Gelena - @Bulgary Files | December 5, 2022

Grabe pala ang nangyari kay Herlene Budol sa Uganda kung saan dapat ay gaganapin ang Miss Planet International at si Hipon Girl ang representante ng Pilipinas.
Sa interbyu ni Nelson Canlas sa Bb. Pilipinas 1st Runner-up, sabi ni Herlene, akala niya ay katapusan na niya.
Kuwento niya, nagkaroon ng commotion sa hotel na tinutuluyan ng mga kandidata.
Isang traumatic experience para sa kanya ang nangyari.
Ayon kay Herlene, una pa lang daw ay hindi prepared ang organizer ng beauty pageant.
Wala raw ibinibigay sa kanilang food o water man lang.
At ‘yung hotel kung saan dapat mag-stay ang 30 candidates ay hindi bayad nu’ng dumating sila.
Dahil dito ay nag-decide raw ang kanyang team na mag-book sa isang rental space sa labas ng hotel.
Nag-announce raw ang management ng hotel sa lahat ng candidates na hindi sila makakaalis hangga’t ‘di nakakapagbayad ang organizer.
Kahit hindi naman nag-stay si Herlene sa hotel dahil may iba nga silang lugar na nirentahan, napasama pa rin siya sa mga kandidatang hinold ng hotel at hindi pinalabas hangga’t ‘di nababayaran ang pag-stay du’n ng ilang kandidata.
Bigla na lang daw may dumating na mga armadong lalaki at police officers para mag-imbestiga.
“‘Yung nerbiyos po ba na wala ako sa lugar ko, hindi ko sila maintindihan, baka kung ano’ng mangyari, magkagulo. Kailangan kong makauwi ng Pilipinas,” ani Budol.
“‘Yung mindset ko po nu’n, ‘Baka magkapatayan na po dito.’ Mababait naman po ‘yung mga Ugandan na nakilala ko, pero siyempre, hindi ko kilala ‘yung mga tao doon.”
Nagmakaawa raw siya sa staff ng hotel na hayaan na siyang makapunta sa kanyang rental place dahil hindi naman siya naka-check-in doon from the start.
“Ayaw po nila akong palabasin kahit sinasabi kong ‘Meron po akong sariling Airbnb. Hindi po ako dito natulog. Naging biktima rin po kami ng ganitong kuwento na kesyo may ganitong pambayad.’
“Ang layo na po ng naiisip ko kasi sobrang dami na pong pulis, iba’t ibang lahi kami. Hindi po kami nagkakaintindihang lahat. Kahit anong pakiusap ko, baka mapikon na sa akin.”
Maging ang ibang mga kandidata ay nakiusap na rin daw para palabasin si Herlene pero walang nangyari.
Ang nagda-drive raw para kina Herlene na isang Ugandan van driver ang nag-explain ng kanilang kalagayan at saka lang daw pinayagang makalabas ang kanyang team, pero, may mga armadong lalaki na nakasunod sa kanila to make sure na sa rental place sila tutuloy.
“Paglabas ko, siguro ‘yung ibang pulis, hindi nasabihan. Hinabol ako ng maraming may baril.
Dalawa po ‘yung humabol sa ‘kin na may mahabang baril,” kuwento pa ni Budol.
“Sabi ko ‘Hold on, hold on.’ Sabi ko sa sarili ko, ‘Parang ito na yata katapusan ko.’ Akala ko sa pelikula ko lang mapapanood ‘to.
“Nu’ng nakaalis na kami, anytime, akala namin, may sumusunod sa ‘min… tapos nahimatay ako sa sasakyan,” sambit pa niya.
Nakarating naman daw sila sa kanilang separate rental place nang matiwasay, pero ang encounter na kanyang naranasan sa mga armadong lalaki ay nakatatak na sa kanyang isipan.
Matatandaan namang ang manager ni Herlene na si Wilbert Tolentino ang nag-decide na i-withdraw si Herlene sa Miss Planet International after they experienced “uncertainties” from the pageant’s organizers.
Hindi natuloy ang Miss Planet International na dapat gaganapin last Nov. 19 sa Uganda, instead sa Cambodia na ito gaganapin sa January 2023.





Comments