top of page

Na-bash, wala raw kadala-dala… AI AI, UMAMING PRANK LANG ANG LALAKING NAG-PROPOSE SA KANYA SA RESTO

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 9h
  • 3 min read

ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | March 6, 2026



Ai Ai Delas Alas - IG

Photo: Ai Ai Delas Alas - IG



Marami ang nagulat at hindi makapaniwala sa lumabas na post ni Ai Ai delas Alas sa social media na isang non-showbiz guy ang nag-propose sa kanya na kanya namang tinanggap.


Wala namang binabanggit si Ai Ai na may bago siyang karelasyon ngayon. At sa kanyang mga interviews dati ay madalas niyang sabihin na hindi pa siya totally nakaka-move on sa hiwalayan nila ni Gerald Sibayan.


Ngayon pa lang ay marami na ang nagko-comment na hindi na natuto si Ai Ai sa ilang beses niyang pagkabigo sa pag-ibig. Tiyak na masasaktan na naman daw siya sa bago niyang dyowa. Dapat daw ay ine-enjoy na lang ng Comedy Queen ang pagiging single ngayon.


Pero sa kanyang Facebook Live kahapon, inamin ni Ai Ai na “it’s a prank” lang ang naturang proposal at ni hindi nga raw niya kilala ‘yung lalaki na nag-propose sa kanya sa resto. 


Sa ibang girl pala nag-propose ang guy na “Alvin” ang pangalan at napagkatuwaan lang ni Ai Ai na kunwari ay magpo-propose rin ito sa kanya.


Kaya sana raw, tama na ang pamba-bash sa kanya na wala siyang kadala-dala dahil hindi na raw siya tanga ngayon sa pag-ibig.


Sa isang pakikipagtsikahan ni Ai Ai kay Karen Davila ay napag-usapan nila ang ilang Hollywood celebrities na ilang beses na ring nagpakasal tulad ni Elizabeth Taylor na 8 times na nagpakasal sa iba’t ibang lalaking nakarelasyon. At si Jennifer Lopez ay tatlong beses na ring nagpakasal.


Si Ai Ai ay tatlong beses na ring nagpakasal. Una, kay Miguel Vera na isang singer. Pangalawa ay kay Jed Salang na tumagal lang ng isang buwan ang pagsasama. At ang huli ay kay Gerald Sibayan na tumagal ng 8 years.

So, si J.Lo pala ang peg niya?


Well, wala namang masama kung muling umibig at magmahal dahil karapatan niyang lumigaya. Mas maging maingat at wais na lang siya ngayon. 



MARAMI ang nagtatanong kung babalikan ba ni Bulacan Governor Daniel Fernando ang pag-arte. 


Hinahanap na rin siya ng kanyang mga fans dahil kahit daw sana sa telebisyon ay muli siyang mapanood.


May ilang grupo naman ang kumukumbinse kay Gov. Fernando na mag-produce ng pelikula. Pero dahil hindi na ganoon kasigla ang movie industry ngayon ay medyo nagdadalawang-isip siya. 


Sakaling may offer sa kanya na serye, gusto niya ng project na action-drama, hangga’t maaari ay ayaw niya ng kontrabida role.


Ilang acting awards na rin ang napanalunan ni Daniel Fernando. Nanalo rin siyang Best Supporting Actor sa Star Awards for TV noong 2017. Nami-miss din niyang umarte at muling makasama ang mga artistang nakatrabaho niya sa pelikula.


Kung tutuusin, pasado pa rin si Gov. Daniel Fernando na magbida dahil alagang-alaga niya ang kanyang katawan.


Samantala, last term na niya ngayon sa kanyang puwesto bilang gobernador ng Bulacan. So far, maganda naman ang ratings na ibinigay sa kanyang performance bilang pulitiko. Natugunan niya ang mga pangangailangan ng kanyang mga kababayan. Kaya marami na ang nag-aabang kung ano ang susunod niyang agenda bilang public servant. Tatakbo ba siyang congressman o mayor ng Bulacan?


May posibilidad naman na mag-tandem sila ni Vice-Governor Alex Castro, ang mister ni Sexbomb Sunshine Garcia. Maaari silang magpalitan ng puwesto.



MAY offer kay Harlene Bautista na muling balikan ang pag-arte sa teatro. Matagal-tagal na rin na hindi siya nakakaarte sa theater at kakaibang experience at fulfillment ito para sa kanya.


Excited naman ang mga anak niya nang malaman na may offer ito para sa isang play sa teatro. Lahat ay boto na tanggapin ni Harlene ang offer.


Ganunpaman, para sa kanya ay masaya na siya sa kanyang buhay ngayon. Kampante na siya sa mga bagay na kanyang pinagkakaabalahan. Iba na ang kanyang mga priorities. Wala sa kanyang plano ang balikan ang teatro.


Flattered si Harlene na kinokonsidera siya sa isang stage play. At dumating siya sa punto na kailangan niyang mamili. Pero mas mahalaga sa kanya ang kanyang pamilya, may negosyo rin siyang inaasikaso.


Simple at tahimik na buhay ang gusto ni Harlene Bautista. At for sure, naiintindihan ito ng kanyang mga kasamahan sa teatro.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page