My Sweet Lord, panalo sa Turf
ni Green Lantern - @Renda at Latigo |November 15, 2022
Kuminang si My Sweet Lord noong Linggo matapos manalo sa PHILRACOM Rating Based Handicapping System na inilarga sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City, Batangas.
Napasaya ni My Sweet Lord ang mga liyamadistang sumuporta sa kanya sa nasabing karera.
Kalmadong lumabas sa aparato si My Sweet Lord na sinakyan ni dating PSA Jockey of the Year awardee Jessie B. Guce, nakapuwesto sila sa pang-lima habang naglulutsahan sa unahan sina Meghan Maxene at Commodora.
Pagsapit ng far turn ay dumikit na sa unahan si My Sweet Lord at pagsapit ng huling kurbada ay kuha na ng winning horse ang unahan. Pero nakatikim ng magandang laban si My Sweet Lord ng kasahan siya ni Hot Rot Hearts na rumeremate sa tabing balya.
Hindi naman natinag sa unahan si My Sweet Lord at nanalo ito ng may dalawang kabayong agwat sa pumangalawang Hot Rot Hearts.
Inirehistro ni My Sweet Lord ang tiyempong 1:26.2 sa 1,400 meter race, hinamig nito ang P150,000 na premyo. Kinubra ng second placer na si Hot Rot Hearts ang P50,000 habang tig-P25,000 at P12,500 ang third at fourth na sina Commodora at Meghan Maxene ayon sa pagkakasunod. Ang nasabing event ay suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) sa pamumuno ni chairman Reli De Leon.





Comments