My Jopay, kikilatisin
ni Green Lantern - @Renda at Latigo | November 12, 2021
Pitong karera ang inihain ng Manila Jockey Club Inc. (MJCI) ngayong Biyernes at aabangan ng mga karerista ang bakbakan sa Condition Race (18).
Anim na kabayo ang kalahok sa event na pakakawalan sa Race 3 sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite kung saan posibleng suportahan ng mga liyamadista si My Jopay na rerendahan ni jockey FS Parlocha. May distansiyang 1,400 meter race, ang ibang kalahok ay sina Phenom, Tumalog Falls, Sari Baby, Prettiest Star at Forest Cover.
Komento ng ibang karerista sa social media na si Forest Cover ang napipisil nilang puwedeng tumalo kay My Jopay. "May galing din si Forest Cover kaya malaki rin ang tsansa niyang manalo," saad ni Gary Villanueva, karerista.
Isa pang karera na tiyak na magandang laban ang masisilayan ng mga karerista ay ang "2-Year-Old Maiden Race na ilalarga sa pang-limang karera.
Ang magtatagisan ng bilis para maangkin ang added prize na P10,000 ay sina National Treasure, Noir, Advance Party, Lemon Bell at Platinum Bell., may distansya itong 1,300 meter race.
Samantala, nagpakitang gilas si Heroesdelninetysix nang manalo ito sa PHILRACOM -NPJAI Special Stakes Race Division II na ginanap sa pista ng San Lazaro noong Linggo.
Pumuwesto sa bandang likuran, humabol si Heroesdelninetysix upang lampasan si Super Shelltex sa home stretch at manalo ng may isang kabayo ang agwat sa nasegundong Isla Puting Bato.
Nirendahan ni veteran rider Jeffrey Bacaycay, nirehistro ni Heroesdelninetysix ang impresibong 1:35.8 (18'24'26 26') minuto sa 1,500 meter race.
Dumating na tersero si Yana's Dance, pang-apat si Super Shelltex habang fifth placer si Lovely Julliane sa event na inisponsoran ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM).





Comments